HINDI dapat ituring na banta sa pagpapaunlad at preserbasyon ng wikang Filipino ang sociolect o ang paraan ng paggamit ng mga salita ng Generation Z (Gen Z), ayon sa tagapangulo ng UST Department of Creative Writing.
“The grammar we know is no longer the grammar that’s being practiced outside the realm of our classroom,” ani Prop. Joselito Delos Reyes sa isang panayam ng Varsitarian.
Tinalakay niya ang konsepto ng “emoji-topia” na tumutukoy sa paggamit ng emojis bilang bahagi ng makabagong linguistic at multimodal communication.
Batay sa 2020 census ng Philippine Statistics Authority, 81 porsyento ng Gen Z ang gumagamit ng social media bilang paraan ng komunikasyon.
Ayon kay Delos Reyes, hindi na lamang salita ang ginagamit upang maghatid ng kahulugan sa internet. Bahagi na ang emojis, memes, Graphics Interchange Format o GIF, at iba pang visual forms para makatulong sa pagpapahayag ng tono, damdamin at intensiyon sa social media.
Binigyang-halimbawa niya ang pag-uulit o pagpapahaba ng mga letra sa online conversations, gaya ng “pooooo” o “sirrrrr,” na maaaring magsilbing paraan upang maipahiwatig ang lambing o tenderness sa halip na simpleng pagkakamali sa spelling.
Tinukoy niya ang obserbasyon ng social linguist na si Nick Guinto, na kumuha ng doktorado sa University of Hong Kong at King’s College London, na maaaring ituring ang ganitong pagsulat bilang isang “graphophonemic affordance.”
Gayunpaman, inihayag ni Delos Reyes na maaaring banta ang ganitong anyo sa pagbabahagi ng mensahe sa mga digital platform, lalo na sa mga seryosong usaping panlipunan.
Halimbawa nito ang paggamit ng mga emoji sa mga post tungkol sa mga bagyo at mga isyu sa kalikasan.
Dahil dito, sinabi ni Delos Reyes na mahalaga ang konteksto sa paggamit ng wika at ng mga kasamang elemento nito.
“Kung paano ang wika ay contextual din ang pagkakagamit,” aniya.
“Ang wika ay instrumento lang sa pagpapadala ng mensahe. Kung ano man ang makatutulong dito at makakapag-reinforce, if it can help, why not?” dagdag pa niya.
Sa inilabas na datos ng Pulse Asia nitong Hulyo, 85 porsyento ng Filipino adults ang internet users habang 80 porsyento ang nag-o-online nang higit pa sa isang beses bawat araw.
Gayunpaman, hindi nangangahulugan ang pagkilala sa pagbabago sa digital communication na dapat nang talikuran ang tradisyonal na gramatika.
Ani Delos Reyes, mahalaga pa rin ang wastong paggamit ng wika, lalo na sa mga akademiko at propesyonal na institusyon na nangangailangan ng malinaw, tiyak at mabisang komunikasyon.
Sa bagong lunsad na elective ng creative writing department na Advanced Grammar and Editing, layong paigtingin ang wastong gramatika ng mga mag-aaral sa kabila ng pagbabagong dala ng social media.
Mungkahi niya, dapat umangkop ang mga guro sa pagbabago ng linguistic landscape sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga estudyante kung paano lumipat mula sa impormal patungo sa pormal na gamit ng wika batay sa sitwasyon.
“Ang bagong kabihasaan: marunong ka sa wika ng internet, dapat marunong ka rin sa tradisyonal, at alam mo kung kailan mabilis itong pagbabaligtarin,” wika niya.
Dagdag pa niya, maaaring gamitin ng mga guro ang social media posts, screenshots, video, chat at iba pang multimodal na teksto bilang kasangkapan sa pagtuturo upang maipakita sa mga mag-aaral ang pagkakaiba ng gamit ng wika sa iba’t ibang konteksto.
“We can integrate students’ social media fluency as an entry point rather than treating it as a linguistic pollution. We need to bridge the gap instead of widening it,” aniya.
“We adapt so that language and grammar instructions stay meaningful in a world where language is now fluid, playful, nakakatawa at saka platform-dependent,” saad niya.
Nagsalita si Delos Reyes sa isang lektura na may titulong “Wikang Pambansa sa Panahon ng Emojitopia,” noong Agosto 24 sa Centro de Turismo Intramuros, Manila. Dan Cedric V. Latasa







