IGINIIT ng isang dalubguro at manunulat mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Pampanga ang kahalagahan ng paggamit ng “wikang pangkasarian” sa pagsusulong ng katarungang panlipunan at pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian.

“Ang wikang pangkasarian ay tumutukoy sa paraan ng pagpapangalan at pagkilala natin sa iba’t ibang kasarian,” paliwanag ni Rowena Festin, isang dalubguro sa unang webinar ng serye na Wikang Pangkasarian ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ngayong Agosto.

“Sa pagkilala at pagpapangalan sa mga ito ay marapat lamang isaalang-alang din natin ang ukol sa katarungang panlipunan,” dagdag pa niya.

Ayon kay Festin, likas na gender-neutral ang Filipino, gaya ng panghalip na siya na hindi nagtatakda ng kasarian. Sa kasaysayan at katutubong kultura, pantay ang pagkilala sa kasarian.

Ngunit nagkaroon umano ng pagkiling sa lalaki dahil sa kolonyal na impluwensya at patriyarkal na sistema.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang salitang “manggagamot” na dating pantukoy sa parehong babae at lalaking manggagamot ng katawan at espiritu, ngunit paglipas ng panahon, aniya, ito’y napalitan ng “doktor” na karaniwang iniuugnay sa kalalakihan.

Giit ni Festin, hindi lamang usapin ng bokabularyo ang wika ng kasarian. Aniya, ang mga ekspresyong “babae kasi” o “lalaki kasi” ay madalas nagiging dahilan para bigyang katwiran ang mababang pagtingin sa kababaihan o ang nakatakdang gawi para sa kalalakihan.

“Makapangyarihan ang salita. Nakalilikha ito ng isang daigdig. At nakalilikha rin ng mga konseptong maaaring bumuo o makasira sa ating pananaw at paniniwala,” ani Festin.

Ipinaliwanag rin niya ang paggamit ng mga homophobic slur laban sa LGBTQIA+ community na, bukod sa nakasasakit, ay nagpapalaganap ng pisikal at sikolohikal na karahasan.

Sa talakayan, hinikayat niya ang publiko na maging kritikal sa paggamit ng wika at iwasan ang mga salitang nanlilibak o naglilimita sa papel ng tao sa lipunan.

“Kapag may salitang nagbibigay ng hindi magandang pagtingin or nagmamaliit sa iba’t ibang kasarian, hindi natin ito dapat gagamitin,” tugon ni Festin sa panayam ng Varsitarian

Binigyang-diin din niya ang papel ng wika sa pagbuo ng gender stereotypes na nakikita sa midya at paaralan.

Para kay Festin, maaaring maging sandata ang wika laban sa diskriminasyon kung ito’y gagamitin upang kilalanin ang dignidad at kakayahan ng bawat isa.

“Mahalagang naka-ugat sa respeto sa kapwa at sa pagkilala sa pagkakaiba-iba ang paglikha at paggamit ng wika,” aniya.

Ang Wikang Pangkasarian ay bahagi ng serye ng webinar ng KWF ngayong Buwan ng Wika na naglalayong talakayin ang papel ng wika sa katarungang panlipunan at pagsugpo sa diskriminasyon. May ulat ni Jamiebeth P. Ortega

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.