BINUO ng apat na Tomasinong nagtapos mula sa College of Information and Computing Sciences (CICS) ang isang website na nagwawasto ng baybay at gramatika sa wikang Filipino bilang kanilang tesis.
Tinawag na “ABKDa: Filipino Grammar Checker,” layon nina Arianne Ashley Manaog, Julia Melle Pascua, Lance Bernardino, at Miguel Carlo Fajardo na makapag-ambag sa akademikong pagsusulat gamit ang wikang pambansa.

“Ito po ay isang kasangkapang idinisenyo upang tulungan po ang ating mga mag-aaral na nagsasalita ng Filipino na mapabuti ang kanilang akademikong pagsulat sa pamamagitan ng pagtukoy at pagwasto ng mga pagkakamali sa gramatika,” ani ng tagapayo ng grupo na si Asst. Prof. Edwin De Guzman.
Ayon kay Manaog, naging daan ang kakulangan ng mga sanggunian sa online platforms para sa gramatikang Filipino upang mabuo ng grupo ang ABKDa.
“Kasi napansin [namin] sa wikang Ingles, may mga reliable source tayong magagamit na website, specifically ang Grammarly,” aniya sa panayam kasama ang Varsitarian.
“Makakatulong ‘to sa mga up-and-coming na mga students ngayon, kasi napapansin ko mostly, mga fluent sa English tapos hirap sa Filipino,” wika ni Fajardo.
Ibinahagi ni Bernardino na isa sa mga inspirasyon nila ang umusbong na usapin hinggil sa wastong paggamit ng Filipino sa social media.
“Nagkaroon ng maraming Facebook post tungkol sa paggamit ng ‘ng’ na maikli at ‘nang’ na mahaba,” wika niya. “At isa rin ‘to sa parang nagbigay ng ideya na maaari nating [gamitin] ang [ABKDa] bilang grammar checker.”
Ipinaliwanag ni De Guzman na gumagamit ang ABKDa ng lemmatization, isang proseso sa lingguwistika na ibinabalik ang salitang may panlapi sa root word nito o salitang-ugat.
Halimbawa nito ang “nag-aaral” “mag-aaral,” o “inaaral.” Sa pamamagitan ng ABKDa, awtomatikong matutukoy ang salitang-ugat nito na “aral” upang maging pare-pareho ang pagsusuri sa mga salita sa isang teksto.
“It converts words to their root form to ensure consistency in text analysis,” wika ni De Guzman sa isang talakayan.
Gumamit din ang mga mananaliksik ng calamanCy model, isang open-source natural language processing na inilapat sa ABKDa upang magsagawa ng part-of-speech tagging. Layunin nitong matukoy ang gamit ng bawat salita batay sa konteksto at matukoy ang mga pagkakamali sa estruktura ng pangungusap.
Halimbawa, sa pangungusap na “Si Juan ay mabilis na tumakbo sa paaralan,” tutukuyin ng ABKDa ang bahagi ng pananalita, gaya ng panghalip, pangngalan, pangatnig, pang-uri, pang-angkop, pandiwa, pang-abay at pang-ukol.
Gayunman, sinabi ni De Guzman na mahalagang magkaroon ng disclaimer ang mga mananaliksik sa paggamit ng ABKDa upang ipaalala sa mga gumagamit na maaaring magkaroon ng pagkakamali ang mga mungkahi o pagsusuri na ibinibigay ng artificial intelligence o AI.
Isa rin sa katangian ng ABKDa ang error detection na kayang magsuri ng baybay at gramatika hanggang 2,000 na karakter.
“Ang kaya niyang i-analyze ay hanggang sa 200 characters para po sa spelling at grammatical mistake using part-of-speech tagging at predefined rules,” ani De Guzman.
“Maaari din po mag-upload ng mga dokumento basta po ito ay hindi lalagpas sa 2,000 or dalawang libong character,” dagdag pa niya.
Hamon sa pagbuo ng Filipino grammar checker
Ipinaliwanag ng miyembro ng grupo na si Pascua ang mga hamon na dala ng paggamit ng wikang Filipino sa paglikha ng isang grammar checker.
“Ang mahirap din kasi sa language natin, iisa lang ‘yong spelling pero magkaiba ng intonasyon and use do’n sa mismong sentence,” wika ni Pascua sa panayam ng Varsitarian. “So chini-check niya rin ‘yun kung tama ba ‘yung pagkaka-structure no’ng context, sentence, or paragraph.”
Dagdag pa niya, gumamit ang ABKDa ng guardrails o mga limitasyong gumagabay sa AI upang makontrol ang mga tugon nito sa pagsusuri ng teksto.
Naging batayan ng grupo ang “Manwal sa Masinop na Pagsulat” ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pangangalap ng corpus.
Ayon kay Bernardino, pinili nilang gumamit ng isang batayan para sa estandardisadong pamantayan na susundan.
“Dahil kung mas maraming magiging basehan ‘yong rules ng Filipino, mas mahihirapan o magkakaroon ng confusion sa iba’t ibang standards na mayroon do’n sa isang libro,” aniya.
Higit sa teknikal na aspekto ng pagbuo ng ABKDa, naniniwala ang mga tagalikha na mahalagang isama ang wikang Filipino sa pag-unlad ng teknolohiya.
Ayon kay Manaog, pangunahing ginagamit ang wikang Ingles sa mga umuusbong na teknolohiya dahil naaabot nito ang internasyonal na antas ng komunikasyon, dahilan upang madalas naisasantabi ang wikang Filipino.
“‘Yong wikang Filipino kumbaga hindi na siya masyado nagagamit or nagagamit lang siya kapag required,” wika niya.
Nais nilang ipagpatuloy at paunlarin ang website upang hindi ito magtapos bilang isang tesis lamang.
Dagdag ni Pascua, nais din nilang ipagpatuloy ang ABKDa para makasabay ito sa mga modernong AI models.
“Gusto namin mas mai-improve na architectural diagram ng ABKDa [para] makasabay siya sa sa mga AI models ngayon. Gusto rin namin syempre ma-develop na magamit siya sa research ng iba and lalo na when it comes to Filipino,” aniya.
Sa kasalukuyan, nanatiling pribado ang website ng ABKDa nang isara ito ng mga tagalikha kasunod ng pagkumpleto sa proyekto.
Ayon sa kanila, wala pang nakatakdang petsa para sa online publication ng ABKDa dahil sa kakulangan ng pondo para sa deployment at patuloy na operasyon ng cloud infrastructure.
Inilahad ng grupo sa Varsitarian ang tinatayang $2.50 to $82 o humigit-kumulang na ₱150 hanggang ₱4,800 kada buwan na gastusin para sa pagpapatakbo ng ABKDa, na nakasalalay sa paggamit ng iba’t ibang cloud services.
Ang tinatayang gastos ay ang mga sumusunod:
- Route 53: $0.50–$2 o P31 – P126 kada buwan
- CloudFront: $0–$20 o P0 – P1,258 kada buwan
- S3: $1–$5 o P63 – P315 kada buwan
- API Gateway: $0–$10 o P0 – P629 kada buwan
- Lambda × 4: $0–$10 o P0 – P629 kada buwan
- SQS FIFO: $0–$5 o P0 – P315 kada buwan
- DynamoDB: $0–$15 o P0 – P944 kada buwan
- CloudWatch / Logs: $0–$15 o P0 – P944 kada buwan
“Maaaring mas mababa ang aktuwal na gastos kung maliit lamang ang traffic at storage requirements ng application,” paliwanag ni Manaog.
“Maaari naman itong tumaas habang dumarami ang users, requests, data storage at iba pang paggamit ng cloud services,” dagdag pa niya.
Bukod dito, hindi pa tiyak ng grupo kung ilan at sino ang magiging aktwal na gagamit ng ABKDa, kaya kinakailangan munang suriin ang potensiyal na bilang ng users bago ito gawing publicly accessible. James Maverick R. Talavera







