SA KABILA ng pagdami ng kurso sa wikang Filipino sa mga unibersidad sa Estados Unidos, nananatiling hamon ang pagtuturo nito bilang banyagang wika, ayon sa unang instruktor ng Filipino sa Harvard.
Ayon kay Lady Aileen Orsal, na nagsimulang magturo sa Harvard noong 2023, isa sa mga pangunahing suliranin ang pagtuturo sa mixed class na binubuo ng mga heritage learners at non-heritage learners.
Ipinaliwanag ni Orsal na ang mga heritage learner ay may likas na kultural na koneksyon sa wika dahil sa kanilang mga kamag-anak o kapamilya.
Samantala, ang non-heritage learner ay exposed sa isang partikular na wika ngunit hindi ganap na matatas dahil hindi ito ang dominanteng wika sa kanilang tahanan.
Para kay Orsal, mahirap magturo sa isang klase na magkakaiba ang antas ng kasanayan sa wika.
“Sa language class, napakahalaga na masigurado natin na kilala natin ang profile ng mga estudyante, ang background nila at ang kanilang connection sa wika [upang] masigurado na magagabayan natin ang bawat isa,” wika ni Orsal.
Dagdag pa niya, hamon din ang kakulangan ng mga materyales at guro sa Filipino, isa sa mga wika sa Asya na nasa ilalim ng kategoryang less commonly taught languages.
“Isa itong (Filipino sa Estados Unidos) malawak at mayamang komunidad ng karunungan at karanasan mula sa global na pamayanan patungo at pabalik sa sariling bayan,” ani Orsal.
Bagama’t kinikilala ang Filipino-American community bilang isa sa pinakamalaking populasyon ng Asyano sa Hilagang Amerika, kadalasang iisa lamang ang guro ng Filipino sa bawat unibersidad.
Batay sa inilabas na ulat ng U.S. Census Bureau noong 2023, tinatayang 4.6 milyong Filipino ang naninirahan sa United States.
“Malaki ang kahalagahan at kinalaman ng mga datos at impormasyong ito sa pagkakaroon ng malawak at mayamang programang pang-edukasyon na kumikilala sa Filipino bilang wika o sa Araling Pilipinas bilang bahagi ng kani-kanilang mga kurikulum,” wika ni Orsal.
Giit pa ni Orsal, hindi dapat puro Tagalog ang representasyon sa klase, lalo na’t likas na multicultural ang Pilipinas.
“[Ang] gusto natin ay magkaroon sila ng maraming karanasan at mapahalagahan nila ang buong Pilipinas, at ‘yon po ‘yong isa sa pinakamalaking hamon sa akin,” wika niya sa Varsitarian.
Bilang estratehiya, gumagamit si Orsal ng mga awtentikong materyales gaya ng sari-sari storybooks na nakasulat sa iba’t ibang wika ng Pilipinas, IEC materials mula sa Filipino communities sa Amerika, at mga pelikula at awiting Pinoy.
Sa Harvard, nagsisimula ang mga estudyante sa mga batayang gawain tulad ng pagbabahagi ng mga salitang natutuhan mula sa pamilya o komunidad, bago lumipat sa mas komplikadong diskurso gaya ng panitikan, kasaysayan, at kontemporaryong isyu.
“Mahalaga na ang klase ay hindi lamang nakatuon sa memorization kundi sa pakikipag-usap, sa kakayahang gamitin ang Filipino sa praktikal na paraan, at sa pagkilala sa sariling identidad bilang bahagi ng mas malaking komunidad,” wika niya.






