BAGAMAN nakatutulong ang artificial intelligence (AI) sa pagpapabilis ng proseso na pagsasalin, may kaakibat pa rin itong mga panganib, ayon sa isang dalubguro.
Ayon kay Wennielyn Fajilan ng Departamento ng Filipino at tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, panimulang batayan lamang ang AI para sa mga guro at mag-aaral sa gawaing pagsasalin.
“Ang AI, isa siyang magandang instrumento para [mapabilis] natin ‘yong proseso ng pagsasalin at mayroon tayong maging batayan bilang panimula sa pagsasalin,” wika ni Fajilan sa Varsitarian.
Aniya, may kakayahan ang AI namagmungkahi ng pagsasaayos ng teksto, pagbubuod, at paggawa ng abstrak.
Gayunman, binigyang-diin ni Fajilan na hindi dapat ituring na pinal ang resulta ng AI, sapagkat mahalaga pa rin ang human intervention sa beripikasyon at pagsusuri ng impormasyon.
“Lahat p’wede niyang gawin (AI) kung tama ‘yong pag-uutos, pero may pag-iingat na hindi ‘yon ang pinal na version ng lahat ng ito. Tao ang dapat na magdeklara ng impormasyon at ng kredibilidad ng impormasyon—hindi ito inaasahan sa isang kagamitan,” giit ni Fajilan.
Nagbabala rin siya na ang labis na pagdepende sa teknolohiya, lalo na sa ChatGPT, ay maaaring makaapekto sa paglinang ng long-term memory at kritikal na pag-iisip ng mga kabataan.
“Kasi ang pagkakabisado ng konsepto ay puhunan sa long-term memory at [kapag] may long-term memory ka, mas tumatalas ‘yong pag-iisip,” wika niya.
Batay sa karanasan, lumitaw ang kahinaan ng ilang estudyante sa mga soft skills gaya ng tiyaga at pasensya, pati na sa kakayahang sumunod sa simpleng instruksyon, sabi ni Fajilan.
Pinuna rin niya ang pagiging complacent ng ilan na umaasa lamang sa Google o AI para sa batayang kaalaman.
“Ang mga konseptong dapat bahagi ng training ng isip, tulad ng kaalaman sa kasaysayan o simpleng facts ay hindi na nabibigyang-halaga,” aniya.
Ayon sa kanya, ang mabilis na pagkuha ng impormasyon ay nagdudulot ng “henerasyon ng kalimot.”
Gayunman, maraming positibong gamit ang AI. Sa kaniyang klase, ginagamit ito ni Fajilan sa mga workshop kung saan inihahambing ng mga estudyante ang resulta ng iba’t ibang translation apps upang malinang ang kanilang pagsusuri.
Dagdag niya, maaari ring gamitin ang AI at mga short-form video upang ipalaganap ang kaalaman hinggil sa lokal at multikultural na wika at kultura ng bansa.
“Mas nakakalungkot kung ginagamit ang wika para magpalaganap ng fake news at maling impormasyon. Ang tunay na hamon ay kung anong diskurso ang pinapalaganap,” ani Fajilan. Jamiebeth P. Ortega may ulat ni Frenchshield Shayne G. Delovieres






