PINANGUNAHAN ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang “History to Experience” o “HistoEx” bilang opisyal na pagbubukas sa Buwan ng Kasaysayan nitong ika-1 ng Agosto sa Quantum Skyview, Gateway Mall 2 sa Quezon City.

Bitbit ang temang “Diwa ng Kasaysayan, Kabilin sa Kabataan,” tampok sa tatlong-araw na programa ang makabagong eksibit, interaktibong booth, at serye ng talakayan.

Ayon kay NHCP Planning Officer Jericho Lester Vargas, layunin ng HistoEx na mailapit ang wika at kasaysayan sa maraming tao, at hindi lamang ito matutuhan sa mga libro, pananaliksik, o pagbisita sa arkibo.

“May ganito tayong mga avenue and platform where we can learn and experience history. Kaya siya HistoEx e, kasi history to experience,” aniya.

Bilang bahagi rin ng pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa, kaisa ng ahensya sa proyekto ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na namahagi ng libreng aklat at diksiyunaryo hinggil sa wikang pambansa at mga katutubong wika.

Para sa lingguwistikong mananaliksik ng KWF na si Earvin Pelagio, tungkulin ng bawat Pilipino—hindi lamang ng mga ahensiya—na pangalagaan ang wika.

“Parte ng identity at kultura natin (ang wika),” wika ni Pelagio, “ipasa natin siya sa mga susunod na henerasyon.”

Tampok rin sa HistoEx ang HistoEx Talks, isang serye ng mga dagliang panayam na layuning talakayin ang makabago at mas popular na pananaw sa kasaysayan.

Kabilang sa mga tagapagsalita ang Tiktok content creator na si Mighty Magulang, Vic Robinson at Pao Castillo mula sa Tanghalang Pilipino, John Sherwin Felix ng Localpedia, at historyador na si Ambeth Ocampo.

Nakiisa rin sa programa ang Project Saysay, isang organisasyong nagsusulong ng kasaysayang Pilipino sa pamamagitan ng paglalathala ng mga sipi mula sa mga dakilang Pilipino.

Ang HistoEx ay bahagi ng inisyatiba ng NHCP upang gunitain ang 2023 hanggang 2033 bilang “Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas” alinsunod sa Proklamasyon Blg. 396 na nilagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang paghahanda sa sentenaryo ng ahensiya.

Bilang paggunita sa 2025 bilang Year of the Youth in Philippine History, ipinahayag ng NHCP ang mahalagang papel ng kabataan sa pagbubuo at pangangalaga ng pambansang alaala.

Ang HistoEx 2025 ay idinaos noong Agosto 1 hanggang 3, sa pakikipagtulungan ng J. Amado Araneta Foundation, Gateway Gallery, at Araneta City. Nilahukan ito ng mahigit 30 organisasyon mula sa iba’t ibang sektor ng kasaysayan at kultura. J.P. Ortega

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.