Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Nicanor Tiongson (kaliwa) at historyador na si Ambeth Ocampo (kanan). (Retrato ni Prince Cassel O. Trono/ The Varsitarian)

LALONG mahalaga ang humanidades at agham panlipunan sa paglinang ng mapanuring pag-iisip at pagtatanggol sa katotohanan sa gitna ng paglaganap ng artificial intelligence (AI) at misimpormasyon, ayon kay Nicanor Tiongson, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan.

Binigyang-diin ni Tiongson, dating dekano ng College of Mass Communication ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman at professor emeritus, na hindi dapat maisantabi ang humanidades o araling pantao sa pagtutok sa mga agham at teknikal na disiplina.

“With all due respect to the sciences, which are admittedly indispensable to the advance of all societies, we believe that this tendency to diminish, perhaps even demean the humanities, fails to appreciate the role of the humanities in the proper management of a society,” wika niya.

Si Tiongson ang nagsalita sa Rizal Lecture ng 2026 PEN Philippines Congress noong Okt. 10 sa De La Salle University sa Maynila.

Hindi lamang paghahanda para sa trabaho ang dapat maging layunin ng edukasyon, kundi pati ang paghubog sa kakayahan ng mga mag-aaral na magsuri, makipag-ugnayan at umunawa sa karanasan ng kapuwa, aniya.

“It is the humanities and liberal arts education that can give Filipinos a wider perspective on life, an appreciation of higher goals they can aspire for, a challenge to discover for themselves a way to live as humans should,” aniya.

Nauna nang umalma ang ilang organisasyong akademiko sa panukala ng Commission on Higher Education na bawasan ang mga yunit ng pangkalahatang edukasyon mula 36 tungo sa 18 hanggang 21.

Inilabas noong Abril ang draft ng memorandum tungkol sa panukalang pagbabago sa kurikulum.

“The social sciences and humanities enable students to understand power, justice, institutions, identity, inequality, and the state,” wika ng Philippine Political Science Association sa pahayag nito noong Mayo 6.

“These are not decorative additions to professional training. They are indispensable to the formation of graduates who can participate critically, independently, and meaningfully in public life,” dagdag nito.

Iginiit din ni Tiongson ang kahalagahan ng pag-aaral ng agham panlipunan sa harap ng paglaganap ng misimpormasyon sa social media, na aniya ay maaaring magpalalim ng pagkakahati sa lipunan at magpahina sa mga institusyong demokratiko.

Nagbabala rin siya sa banta ng AI sa mapanuring pag-iisip at pagkamalikhain.

“AI may be regarded as an enemy of the humanities, because it weakens or eliminates honest-to-goodness, critical thinking, and creativity in favor of dishonest, cut-and-dry concoctions that have absolutely no merit and are simply a clear and present danger to academia,” wika niya.

Kasabay ng kongreso ang paggawad ng F. Sionil Jose Young Writers Award, isang patimpalak pampanitikan na nagpatupad ngayong taon ng patakaran sa pagberipika kung ang mga lahok ay isinulat ng tao.

BASAHIN: 2026 F. Sionil Jose Young Writers Award adopts AI verification policy

“We instituted a sort of anti-AI clause in the mechanics of the [writing contest],” wika ni Angelo “Sarge” Lacuesta, isa sa mga nag-organisa ng patimpalak, sa panayam ng Varsitarian.

Binigyan ang mga hurado ng karapatang humingi ng mga draft at iba pang katibayan ng pagbuo ng akda upang matiyak na nagmula sa mga kalahok ang konsepto o kuwento, ayon kay Lacuesta.

BASAHIN: 2 Tomasino, wagi sa 2026 F. Sionil Jose Young Writers Award

Nagwagi sa patimpalak ang mga Tomasinong manunulat na sina Benjamin Joshua Gutierrez at Jericho Christian Lopez para sa kani-kanilang maiikling kuwento.

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.