BUKAS na sa mga akda ang ika-41 na edisyon ng Gawad Ustetika, ang pinakamahabang taunang patimpalak pampanitikan sa bansa na inoorganisa ng Varsitarian, ang opisyal na pahayagang mag-aaral ng UST.
Bitbit ang tema ng “Ipagbunyi ang alimbukad ng adhika at gunita ng Panitikang Tomasino,” bukas ang patimpalak sa mga mag-aaral ng UST sa kolehiyo, gayundin sa mga nasa antas graduwado na naka-enrol sa Academic Year 2025-2026.
Maaaring magsumite ng mga natatanging akda sa Filipino at Ingles sa mga sumusunod na kategorya: Tula, Poetry, Katha, Fiction, Sanaysay, Essay, at Dulang May Isang Yugto/One-Act Play.
Isang akda lamang sa bawat mag-aaral na sasali ang tatanggapin sa bawat kategorya. Maaaring magsumite sa lahat ng kategorya.
Upang sumali, sagutan ang Google Form: https://forms.gle/9LF2KAUmYTZMCU4p6 at ilakip ang kopya ng akda sa MS Word format, kopya ng registration form ng kalahok, at Certification of Originality na nilagdaan ng isang propesor sa Ingles o Filipino.
Tatanggap ang Varsitarian ng mga lahok hanggang Enero 24, 2026 (Sabado).
Para sa Poetry at Tula, kinakailangang magsumite ng koleksiyong binubuo ng hindi bababa sa lima at hindi hihigit sa 10 tula.
Tanging alyas o nom de plume lamang ng manunulat ang dapat lumitaw sa manuskrito dahil daraan sa blind review ang lahat ng isinumiteng akda, na pangangasiwaan ng mga lupon ng inampalan na binubuo ng mga kinikilalang manunulat, akademiko, at kritiko.
Hindi tatanggapin ang mga akdang naisumite at kinilala na sa ibang kompetisyon o nailathala na sa anumang publikasyon, print man o online.
Mag-uuwi ng P12,000 ang tatanggap ng unang gantimpala sa bawat kategorya, P8,000 para sa ikalawang gantimpala, at P5,000 naman para sa ikatlong gantimpala.
Dating kilala ang patimpalak bilang Rector’s Literary Award, bago ito tinawag na Annual Varsitarian Literary Contest noong 1959.
Pinagsama ni Nadera ang mga salitang “USTe” at “estetika” (aesthetics) bilang marka ng pagbabalik ng patimpalak pampanitikan na siyang nananatiling pangalan nito hanggang sa kasalukuyan.
Nagsimula ang patimpalak na may apat na kategorya: Poetry, Tula, Fiction, at Katha. Idinagdag ang Dulang May Isang Yugto noong 1990, One-Act Play noong 1992, at Essay at Sanaysay noong 1993.
Kalaunan, pinag-isa ang Dulang May Isang Yugto at One-Act Play, dahilan upang maging pito ang kabuuang bilang ng kategorya.
Iginagawad din ang Rector’s Literary Award sa isa sa mga akdang nagwagi ng unang gantimpala, batay sa pagkilala ng rektor ng Unibersidad sa akdang nagtataglay ng tinatawag na “Catholic Vision.”
Bukod dito, ipagkakaloob ng Varsitarian ang Parangal Hagbong, isang lifetime achievement award para sa Tomasinong manunulat na may malaking ambag sa larangan ng panitikan.
Sa nakaraang edisyon, ginawaran ng Parangal Hagbong si Michael Coroza para sa kanyang ambag sa pagsusulong ng wikang Filipino bilang makata, tagasalin, guro, at kritiko.
Kabilang sa mga tumanggap ng Parangal Hagbong sina Roberto Añonuevo, Ma. Cecilia Locsin-Nava, Bernardo Bernardo, mga Pambansang Alagad ng Sining na sina Nick Joaquin at Bienvenido Lumbera, at si Victor Emmanuel Carmelo “Vim” Nadera Jr., propesor sa University of the Philippines at dating punong patnugot ng Varsitarian.





