HATI ang pananaw ng mga dalubhasa at institusyon sa paggamit ng “FilipinX,” isang gender-neutral na alternatibong katawagan sa Filipino at Filipina na mas ginagamit sa ilang Filipino-American communities sa Hilagang Amerika.
Mariing tinutulan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggamit ng “FilipinX,” dahil hindi ito umaayon sa estruktura at lohika ng wikang Filipino.
“Makapangyarihan po kasi sa atin ang letrang ‘o’ at ‘a’ sapagkat kapag ‘yan ay inilagay mo sa isang salita, nagbabago ang kasarian nito. Lalo na sa atin ang ponemang ‘o’ ay nauukol sa lalaki tapos kapag ‘a’ naman, para sa babae,” paliwanag ni KWF Komisyoner Benjamin Mendillo sa panayam ng DZMM.
Binigyang-diin din niya na mayroon nang likas na gender-neutral na mga katawagan, gaya ng “manggagawa” at “manghuhula,” at hindi kailangang lumikha ng panibagong anyo.
“Kapag lagi nating ginagamit ang ibang mga wika, talagang maglalaho ang ating kultura at talino, maaari ding sa wika tayo’y masakop,” ani Mendillo.
Ayon naman kay Myra De Leon, tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng UST, ang paggamit ng “FilipinX” ay nakaugat sa geopolitikal na konteksto ng Hilagang Amerika, at niyakap ito ng ilang Filipino-American lalo na sa LGBTQIA+ community.
Naniniwala si De Leon na hindi ito angkop sa Pilipinas dahil sapat na ang katawagang “Filipino” bilang inklusibo at gender-neutral.
“Kahit saan pa tayo sa buong mundo, dapat ipaintindi na inklusibo na sa lahat ng kasarian ang ngalang Filipino,” wika ni De Leon sa Varsitarian.
Aniya, tila paglimot sa kasaysayan ang pagtanggap sa bagong termino, lalo’t ipinaglaban ng mga bayani na ang “Filipino” ay maging pagkakakilanlan ng lahat, anuman ang kasarian o antas sa lipunan.
Dagdag pa niya, hindi rin akma sa ponolohiya at balarila ng Filipino ang tunog na dala ng “X.”
“Kasi kung bibigkasin o isusulat natin ito, magiging ‘Filipineks,’ isang terminolohiyang hindi organiko sa ating balarila,” giit ni De Leon.
Ipinaliwang niya na ang pagtutol sa naturang termino ay hindi hadlang sa pagiging inklusibo, sapagkat likas nang mapangsaklaw ang ngalang Filipino.
Ngunit para kay Marvin Zapico, instruktor sa parehong departamento, sumasalamin naman ang “FilipinX” sa dinamismo at pagkamalikhain ng wika.
“Sa ganitong paliwanag, makatwiran ang paggamit ng FilipinX bilang katawagan sa mga tao. Kaya hindi rin makatwiran na ang pagkakabit ng ‘x’ ay hindi natural sa sistema ng Filipino sapagkat bahagi ito ng ating alpabeto,” tugon ni Zapico.
Ipinaliwanag ni Zapico na bahagi ng modernisadong alpabeto ng Filipino ang titik na “X,” na ginagamit na sa agham at pantanging ngalan, kaya’t hindi ito maituturing na banyagang elemento.
Aniya, maging ang katawagang Filipino at Filipina ay mula sa Kastila at hindi likas na nag-ugat sa ating sariling sistema ng wika.
Dagdag pa ni Zapico, tungkulin ng KWF na itala at suportahan ang mga salitang umuusbong bilang bahagi ng intelektwalisasyon ng wika.
“Kung sila ang mangunguna sa pagpupulis ng mga salitang likas na ginagamit at nagpapakita ng identidad, kabaligtaran ng kanilang mandato. Sa tingin ko, bababa ang kredibilidad ng KWF bilang ahensiyang siyang dapat na pinakasinusunod sa usapin ng implementasyong pangwika,” giit niya.
Samantala, kinilala na ng online reference site na dictionary.com ang “Filipinx” at ang informal nitong katumbas na “Pinxy,” na kapwa tumutukoy sa sinumang ipinanganak sa Pilipinas anuman ang kasarian. Jamiebeth P. Ortega







