(Dibuho ni Jed William V. Gocatek/ The Varsitarian)

NANANATILING hamon para sa maraming aklatan ang kakulangan sa pondo, espasyo, at interes sa paggamit ng Filipiniana collection, ayon sa mga mananaliksik at librarian.

Ayon kay Lady Catherine de Leon, head ng seksiyong Filipiniana ng UST Miguel de Benavides Library, unti-unti nang nababawasan ang pagkilala sa halaga ng mga lokal na materyal dahil hindi ito madalas gamitin ng mga guro at mananaliksik sa mga institusyong akademiko.

“Bakit ba siya nakakalimutan? Unang-una, hindi lahat sa academic institutions — hindi lahat ng faculty or teachers, ang reference [sa mga pananaliksik] local,” ani de Leon sa isang panayam ng Varsitarian habang isinasagawa ang Filipiniana Conference (FilCon) 2025.

Paliwanag niya, mas mapagtitibay ng mga aklatan ang kanilang Filipiniana collections kung mas maraming guro ang gagamit at hihiling ng mga lokal na materyal para sa kanilang pagtuturo.

Dagdag pa ni de Leon, lumiliit ang industriya ng lokal na paglalathala, dahilan upang maging limitado ang mga kopya ng Filipiniana.

“Kung hindi nila (mga guro at mananaliksik) susuportahan ‘yong mga kapwa nila — mga local author at local publisher — mamamatay ang publishing industry natin,” aniya.

Binigyang-diin din ni de Leon ang pangangailangan ng isang pamantayang depinisyon at patakaran para sa Filipiniana collections, na magsisilbing gabay ng mga aklatan sa bansa. 

Aniya, layunin ng FilCon 2025 na makabuo ng proceedings na isusumite sa Commission on Higher Education (CHEd) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) upang maisulong ang mga rekomendasyong pampatakaran at mas maayos na integrasyon ng Filipiniana sa kurikulum ng Bachelor of Library and Information Science program.

Sa UST, mahigpit ang pangangalaga sa Filipiniana collection. Ang mga aklat mula 1946 pataas ay nakapaloob sa kasalukuyang Filipiniana, habang ang 1945 pababa ay itinuturing na “rare collection” sa Heritage Library. 

Binigyang-diin naman ni Rosette Nuera, presidente ng Philippine Association of Academic and Research Librarians (PAARL), na nananatiling “kritikal” ang diskurso tungkol sa Filipiniana sa panahon ng globalisasyon at digital media.

“Mahalagang pag-usapan ang Filipiniana sa panahon ng globalisasyon upang mapanatili ang pambansang identity at kolektibong alaala sa gitna ng unibersalisadong kultura,” wika ni Nuera sa panayam ng Varsitarian.

Aniya, ang mga koleksiyong ito ay nagbibigay ng lokal na perspektiba sa pandaigdigang talakayan hinggil sa kasaysayan, kultura, at pag-unlad.

“Nagiging sandigan ito sa pagbuo ng kritikal na pag-iisip at sense of belonging, lalo na ng mga kabataan,” dagdag pa niya.

Kinilala rin ni Nuera ang kakulangan sa pondo, tauhan, at teknikal na kasanayan bilang ilan sa mga pangunahing hamon sa usapin ng digital preservation at accessibility.

“Kulang ang technical skills sa digitization, metadata, at digital preservation. Dagdag pa rito, may mga legal at etikal na isyung dapat isaalang-alang tulad ng copyright at sensibilidad ng materyales,” aniya.

Upang mapanatili ang “authenticity” sa panahon ng mass digitization at artificial intelligence (AI), iminungkahi ni Nuera ang mahigpit na provenance metadata, standardized cataloging, at human-in-the-loop verification upang mapanatili ang integridad ng mga dokumento.

Dagdag pa niya, inaasahang magiging hybrid at interoperable ang sistema ng mga aklatan, na may iisang metadata standard upang mapadali ang paghahanap at paggamit ng mga materyales.

Sa larangan ng edukasyon, binigyang-diin ni Nuera ang pangangailangang hikayatin ang kabataan sa pamamagitan ng digital-first experiences, gamified learning, at integrasyon ng Filipiniana sa mga kurikulum upang mapalalim ang interes sa lokal na kasaysayan at kultura.

Kabilang pa sa mga rekomendasyon ang mas matatag na suporta sa polisiya at pondo mula sa pamahalaan, public–private partnerships, at mga social enterprise model para sa pangmatagalang pagpapanatili ng mga Filipiniana initiative.

May temang “Unveiling/Rediscovering Filipiniana: An Update on the State of the Filipiniana Collections in the Philippines,” ang FilCon 2025 ay inorganisa ng PAARL sa pakikipagtulungan ng UST Kolehiyo ng Edukasyon bilang bahagi ng kanilang ika-100 anibersaryo. Suportado rin ito ng NCCA.

Unang isinagawa ang FilCon noong Nobyembre 2000 sa Antipolo sa ilalim ng programang “State-of-the-Art of Filipiniana Collections in the Philippines.”

Idinaos ang FilCon 2025 noong Okt. 15 at 16 sa Buenaventura Garcia Paredes, O.P. Building sa UST. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.