KAKULANGAN sa pondo at guro ang pangunahing hamon na kinakaharap ng early childhood care and education (ECCE) o maagang edukasyon para sa kabataan, ayon sa mga eksperto.
Ang ECCE ay tumutukoy sa mga patakaran at programang naglalayong suportahan ang kaligtasan, pag-unlad, at pagkatuto ng mga bata mula kapanganakan hanggang walong taong gulang.
Ayon kay Maki Katsuno-Hayashikawa, direktor ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) Regional Office sa Jakarta, humaharap sa krisis sa pagkatuto ang maraming bansa dahil sa epekto ng pandemya.
“Globally we are now facing a major learning crisis and one major reason [is] because of [the] Covid pandemic, where a lot of schools closed down for many months. Now, online learning is not necessarily working for many, many children, especially for those in remote areas [who have] no access to connectivity,” wika niya sa isang talakayan.
Binigyang-diin ni Hayashikawa na ang maagang edukasyon ang pinakamabisang sandigan sa pagbuo ng matatag na pundasyon sa pagkatuto, subalit ito rin ang pinakamadalas na napag-iiwanan sa pondo at polisiya.
Batay sa 2022 Tashkent Declaration, mahalaga ang ECCE sa wastong paglaki at pagkatuto ng mga bata, ngunit nananatiling hadlang ang kakulangan sa pondo upang maipatupad ito.
Dagdag pa ni Hayashikawa, mas malaki ang pangangailangang pinansyal ng edukasyon sa unang yugto ng pag-aaral ng mga bata ngunit madalas na hindi ito binibigyan ng sapat na prayoridad ng mga pamahalaan.
“The financial gap is always the most serious in pre-prime education, much more serious than any other level of education. [M]ost of the countries do not necessarily invest in the pre-prime education sector,” aniya.
Nanawagan din ang direktor ng UNESCO sa pagpapatupad ng whole child approach sa ECCE, na isinusulong ang kabuuang pag-unlad ng bata, mula kalusugan at nutrisyon hanggang sa ligtas na kapaligiran at pagkakataon para sa maagang pagkatuto.
“We’re convinced that we must take a whole child approach. We cannot fragment the child into different sectoral compartments because we are talking about the whole individual,” paliwanag ni Hayashikawa.
“When you invest in early childhood provisions, the biggest investment has to be in educators, the people who look after the children together with the parents and families,” dagdag pa niya.
Batay sa 2019 South East Asian Primary Learning Metrics report, ang mga mag-aaral sa ika-limang baitang na dumaan sa preschool ay mas mataas ang marka sa pagbasa at matematika kumpara sa mga hindi.
Ayon naman sa datos ng United Nations Children’s Fund (Unicef), mas matibay ang pundasyon ng pagkatuto ng mga batang may sapat na nutrisyon at kalusugan, habang ipinunto ng 2020 Global Education Monitoring (GEM) report ng Unesco na ang ECCE ay susi rin sa paglinang ng social at emotional skills.
Binanggit ni Hayashikawa na apektado rin ng pagbabago ng klima at mga kalamidad ang edukasyon ng mahigit 538 milyong batang may edad 0–8 sa Asya-Pasipiko.
Pagtugon ng Filipinas sa ECCE
Isa sa bawat tatlong batang Pilipino ang nakararanas ng stunting o mabagal na paglaki dahil sa kakulangan sa nutrisyon at serbisyong pangkalusugan, ayon sa Philippine Institute for Development Studies.
Samantala, tinatayang 81 porsiyento ng mga batang may edad tatlo hanggang apat ay hindi dumadalo sa preschool, batay sa Annual Poverty Indicator Survey.
Para kay Ma. Carolina Gustillo-de Ocampo, propesor sa Department of Educational Leadership and Management ng De La Salle University, mahalaga ang papel ng paglalaro sa maagang pagkatuto ng mga bata.
“I think the most important thing is that when we have a group of people—talking and playing together—it becomes more of a relationship and we are more able to share ourselves,” wika ni de Ocampo sa parehong talakayan.
Ibinahagi niya ang iba’t ibang anyo ng play tulad ng imaginative, symbolic, dramatic, at outdoor play, na nakatutulong sa paghubog ng pagkamalikhain, katatagan, at mapanuring pag-iisip ng kabataan.
“Play is your seed of learning. If you’re happy with what you’re doing, you are learning. [It is ] experimental [and] boundary-pushing,” ani de Ocampo.
Ayon kay De Ocampo, mahalagang maging masigla at bukas sa pagtuturo ang mga guro sapagkat naipapasa nila sa mga bata ang kanilang positibong pananaw at disposisyon.
Gayunman, nananatiling hamon ang mababang sahod ng mga guro at kakulangan sa suporta mula sa pamahalaan.
Kabilang sa mga pinakamahirap na propesyon ang ECCE dahil nakatuon ito sa mga batang nagsisimula pa lamang matuto makipag-ugnayan, ani Hayashikawa.
Sa ilang bansa sa Timog-Silangang Asya, aniya, umaabot sa isang guro kada 70 mag-aaral ang ratio sa mga silid-aralan—isang patunay ng kakulangan sa kwalipikadong tagapagturo sa sektor.
Idinaos ang talakayang “Building Foundations: Nurturing Growth in the First Eight Years,” bilang bahagi ng 2nd Nenita Caralipio Memorial Lecture na inorganisa ng Kolehiyo ng Edukasyon noong ika-3 ng Oktubre.







