BINIBIGYANG-BUHAY ng mga manunulat ang wika at panitikan sa pamamagitan ng kanilang mga akda, ayon sa mga pinarangalan sa Gabi ng Parangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Agosto 19 sa Luxent Hotel, Lungsod ng Quezon.

Sa isang panayam kasama ang Varsitarian, ipinaliwanag ni Klara Espedido, ang unang transgender na Mananaysay ng Taon 2025 ng KWF, na hindi mapaghihiwalay ang ugnayan ng wika at panitikan sapagkat ito ang daluyan ng pagpapahayag ng damdamin at kaisipan.

“Ang panitikan ay hindi magiging panitikan kung walang wika sapagkat, paano natin isasa-reyalidad ang mga nasa isip natin sa haraya kung wala ang wika na kailangang mag-capture ng ating damdamin, ng ating iniisip, agam-agam, guni-guni,” aniya.

Ang nagwaging sanaysay ni Espedido na “Ang Metanaratibo ng Paglabag Bilang Saligang Paretyeya at Penahirang sa Preserbasyon ng mga Wikang Katutubo” ay nagsuri sa epikong bayang “Poon-Poon,” partikular sa bersiyong “Saliling,” at itinampok ang mga alamat na nalilikha mula sa paglabag ng mga tauhan sa mga pamantayan.

Ipinaliwanag niya na ang mga “paglabag” ay hindi laging negatibo at maaari pang magsilbing puwang para sa pag-usbong ng wika at panitikan. 

Binanggit niya ang ilang halimbawa: ang Visayan-based Filipino na may halong salita mula sa wikang Bisaya, ang Tagalog-Sox sa Mindanao na gumagamit ng panlapi mula sa katutubong wika, at ang pagrekord at pag-awit ng epikong “Humadapnon” sa labas ng tradisyonal na ritwal.

“Makikita natin na kahit sa paglabag, umuusbong ang wika at napapanatili ang panitikan. Maaari natin itong tingnan bilang pagpapakita ng pananalig at pag-asa na makatutulong sa preserbasyon ng mga wikang katutubo,” dagdag ni Espedido.

Bilang kauna-unahang transgender na pinarangalan bilang Mananaysay ng Taon, hangad niyang magsilbing inspirasyon ang kaniyang tagumpay upang mahikayat ang kabataan, kababaihan, katutubo, Moro, at iba pang pambansang minorya na lumahok sa ganitong patimpalak.

“Sana sa karangalang ito, magkaroon din ng kumpiyansa ang ibang tao. [Mga] kabataan, in particular, na sumali sa mga patimpalak,” aniya.

Iginiit naman ni Brian Comeling, nagkamit ng ikatlong gantimpala, na mahalagang tungkulin ng manunulat ang maging tagapag-ingat at tagapagtaguyod ng wika.

May temang kaugnay ng paghahabi ang kaniyang sanaysay, na inihalintulad ang panitikan sa sinulid na nagdurugtong sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang sabay-sabay na mapaunlad ang kultura at wika.

“Malaking papel bilang isang sumusulat na tayo ay magiging eye-opener para sa lahat, kasi habang sumusulat tayo, sinusulat natin pati yung diwa at kaluluwa ng ating bayan, pati na rin ng mga nasa mababang lugar, nasa laylayan, pati na rin yung mga nawawala na,” wika ni Comeling.

Layon ng Gabi ng Parangal na kilalanin ang mga nagwagi ng Mananaysay ng Taon at Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ng KWF. D.N.C. Cortes

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.