Komisyoner ng KWF, nanindigan sa pagtanggap ng ‘Kampeon ng Wika’

0
17

NANINDIGAN ang tagapangasiwa ng programa at proyekto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pagtanggap ng parangal bilang “Kampeon ng Wika” 2026 sa kabila ng mga komentong “buhat-bangko” at “walang delicadeza” ang ahensya na gawaran ang mga sarili nitong opisyal. 

Ipinaliwanag ni Carmelita Abdurahman, kinatawan para sa wikang Samar-Leyte, na ang pagkilala ng Kampeon ng Wika ay dumaan sa resolusyon ng KWF at kabilang sa mga batayan nito ang naging karanasan at kontribusyon ng mga komisyoner sa larangan ng wika at edukasyon.

“Kung nabigyan man ako ng ganyan (Kampeon ng Wika), itinuturing ko na ako’y karapat-dapat,” ani Abdurahman sa panayam ng Varsitarian

Ibinahagi niyang hindi niya ikinakahiya ang pagtanggap sa parangal dahil nagsilbi siyang komisyoner sa loob ng dalawang termino bukod sa kanyang 25 taong karanasan bilang guro. 

Dating dekano ng Sacred Heart College at dating tagapangulo ng Pambansang Samahan ng mga Tagapagtaguyod sa Filipino si Abdurahman.

Dagdag pa niya, ibinibigay ang Kampeon ng Wika sa mga komisyoner ng ahensya na malapit nang magtapos ang termino at dumaan sa aniya’y search committee ng Malacañang bago pirmahan ng pangulo.

“Hindi rin ako uhaw sa dangal. Hindi ako for promotion. Wala na, retiro na ako. Naka-dalawang termino ako sa pagiging commissioner,” ani Abdurahman.

Opisyal na inanunsyo ng KWF ang anim na tatanggap ng parangal noong ika-18 ng Agosto. 

Matapos makatanggap ng batikos, dalawa na lamang ang nakapaskil sa Facebook page ng ahensya noong ika-24 ng Agosto. 

BASAHIN DITO:‘Buhat-bangko’: Parangal ng KWF sa sariling mga komisyoner, kinuwestiyon | The Varsitarian

Kinumpirma ni Abdurahman sa Varsitarian na hindi tinanggap nina Alain Russ Dimzon, komisyoner para sa wikang Hiligaynon; Christian Aguado, komisyoner para sa mga wika ng katimugang pamayanang kultural; Reggie Cruz, komisyoner para sa wikang Kapampangan; at Evelyn Oliquino, komisyoner para sa wikang Bikol, ang pagkilala. 

“Kung pinanghinaan sila ng loob dahil hindi nila tinanggap ang hamon, kami [ay] hindi, lalaban at lalaban talaga kami,” wika ni Abdurahman.

Dagdag pa ni Abdurahman, itinuturing niyang pagkilala sa kanilang wika ang naturang parangal. 

“Basta tungkol sa wikang Waray hindi ako magpapatalo sa kanila. Kung ako man [ay] nagawaran, dala-dala ko ang aking wika, dala-dala ko ang wikang Pilipino at ‘yon ay iingatan ko,” wika niya. 

Hinamon ni Abdurahman ang mga kritiko na ipakita ang kanilang mga kakayahan at ambag sa larangan ng wika at edukasyon sa halip na patuloy na mamuna. 

Hinimok niya ang mga kabataan na pangalagaan at payabungin ang wikang Filipino sa kabila ng malawak na impluwensya ng social media. 

“Huwag kailanman ibalewala, huwag ikahiya [ang wika]. Dahil ‘pag nawala ang wika, mawawala rin ang kultura,” saad niya. 

Iginagawad ang Kampeon ng Wika sa mga indibidwal, institusyon, at samahan na nakapag-ambag sa pagtataguyod, pagpapaunlad at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa Filipinas sa iba’t ibang disiplina at larangan.

Ilan sa mga indibidwal na nakatanggap ng naturang parangal ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Film at Broadcast Arts na si Nora Aunor noong 2021 at ang premyadong makata na si Michael Coroza noong 2019. 

Hindi isinama ang paggawad ng Kampeon ng Wika sa daloy ng programa ng KWF Gabi ng Parangal na idinaos noong ika-27 ng Agosto sa Hotel Lucky Chinatown. 

Pinarangalan bilang Mananaysay ng Taon ang propesor at manunulat mula Kalinga na si Rexon Hora Gaston. 

Nagkamit ng ikalawang gantimpala si Emersan Baldemor, kumukuha ng masterado sa malikhaing pagsulat, ng UP Diliman, at ikatlong gantimpala naman kay Mark Anthony Angeles, guro sa malikhaing pagsulat sa UST.

Kinilala rin ang mga nagwagi sa mga pangunahing parangal na iginagawad ng KWF, kabilang na ang Gawad Dangal ng Wika, Gawad Carlos Padilla at Talaang Ginto: Makata ng Taon. Dan Cedric V. Latasa



LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.