INIUGNAY ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio “Rio Alma” Almario ang mabagal na pag-unlad ng wikang Filipino sa kawalan ng maayos na pamamahala at talamak na korupsyon sa bansa.
Ayon kay Almario, ang kalagayan ng wika ay sumasalamin sa pulitika: abala ang mga pulitiko sa katiwalian habang napapabayaan ang kapakanan ng milyun-milyong mahihirap at mangmang na mamamayan.
“Kung hindi naaasikaso ang kaunlaran ng Pilipinas ay lalong hindi naipaplano ang pagpapaunlad ng wikang Filipino. Sa tingin ko nga, nakabitin sa balang ng alanganin ang mga kalinangan ng wikang Filipino hanggang ngayon,” wika ni Almario sa isang talakayan.
Giit ni Almario, humahadlang pa rin sa pagsulong ng Filipino ang rehiyonalista at maka-Kanluraning pananaw, isang usaping nagsimula pa noong panahon ng Commonwealth nang ibatay ang wikang pambansa sa isang katutubong wika.
“Punong-puno ng basura na nakabalot sa plastic at styrofoam ang utak natin, kaya mahirap linisin,” dagdag niya, bilang paglalarawan sa pag-iisip na aniya’y nilason ng kolonyal na kaisipan.
Ipinanukala ni Almario ang isang malawakang re-edukasyon o “cultural revolution” laban sa maka-Kanluraning layaw at maling adhikain, lalo na sa larangan ng edukasyon. Bahagi nito ang pagbabalik sa mga katutubong konsepto at salita na matagal nang binabalewala.
Halimbawa, binanggit niya ang Ilokano na salitang “tangrib” na tumutukoy sa patay na coral reef at ang lumang Tagalog na “bangkóta,” na inihain niyang alternatibo sa hiram na “bahura.”
Para kay Almario, patunay ito na bodega ng karunungan ang mga katutubong wika na dapat linangin at gamitin sa mas mataas na antas ng kaalaman.
Binalikan din niya ang mungkahi ng lingguwistang Bonifacio Sibayan sa The Intellectualization of Filipino (1999) na naglatag ng isang siglong timetable upang gawing wika ng diskurso at karunungan ang Filipino.
Aniya, hindi sapat na manatiling lingua franca ang Filipino — dapat itong gamitin sa agham, matematika, teknolohiya, at iba pang larangan ng kaalaman.
Nabanggit din niya ang kanyang mga inisyatiba bilang dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, kabilang ang pagbuo ng kapisanan ng mga kagawaran ng Filipino sa iba’t ibang unibersidad at ang pagsulong ng isang monolingguwal na diksiyonaryo upang palayain ang wika mula sa dikta ng Ingles.
Gayunman, inamin niyang hindi nagkaroon ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga plano dahil sa sigalot at pagbabago ng liderato sa KWF.
Samantala, iginiit ni Assoc. Prof. Jayson Petras ng UP Diliman ang mahalagang papel ng kabataan sa pagpapatuloy ng adbokasiya para sa wikang pambansa at kulturang Pilipino.
“Ang pagpaplanong pangwika ay bahagi ng pagpaplanong pang lipunan,” tugon niya sa Varsitarian.
Dagdag pa ni Petras, wika ang tulay upang mabigyang-boses ang mas nakararami, mula akademya hanggang karaniwang mamamayan.
May temang “Ang Filipino sa Loob ng Daratal na Isang Siglo,” idinaos ang talakayan sa 4th International Conference on Multidisciplinary Filipino Studies at ika-8 Hasaan Pambansang Kumperensiya sa Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon, bilang bahagi ng centennial celebration ng pakikipag-ugnayan ng UST sa University of Hawai‘i at Hilo. Jamiebeth P. Ortega may ulat nina Frenchshield Shayne G. Delovieres at Sofia Gabrielle G. Rosario







