INILAHAD ni Assoc. Prof. Louie B. Dasas, katuwang na dekano ng Kolehiyo ng Edukasyon, ang proyektong “Exceed, Excel, at Exert,” na binubuo ng tatlong pangunahing hakbang para tugunan ang lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa.
Ayon kay Dasas, patuloy ang learning poverty kung saan siyam sa bawat sampung batang Pilipino ay hirap umunawa ng simpleng teksto.
Gayundin ang malnutrisyon at functional illiteracy o kawalan ng kakayahang magamit nang epektibo ang kasanayan sa pagbasa at pagsulat.
“Our college initiatives—exceed, exert, and excel—are not just buzz words, but battle cries that fuel our innovative minds,” wika niya sa talakayan hinggil sa “Innovation and vision: present project and future pathways of the College of Education” sa Thomas Aquinas Research Center Auditorium nitong ika-6 ng Agosto.
Inilatag ni Dasas sa Exceed pagpapalakas sa curriculum, gayundin ang integrasyon ng practicum at pananaliksik.
“Specialized majors will soon be offered in [Bachelor of Education], and with the new EHS Senior High School, we strengthen the preparation of our BSE students,” ani Dasas.
Kabilang din sa mga mungkahi ang pagtatayo ng sensorium para sa sensory research at pagpapalawak ng Library and Information Science partnership programs.
Nakatuon naman ang Exert sa pagpapatibay ng ugnayan ng kolehiyo sa mga institusyong pang-edukasyon at pribadong sektor sa pagpapaunlad ng kasanayan at pamumuno.
Kabilang dito ang paglulunsad ng Catholic Leaders’ Academy upang palakasin ang pamumuno sa mga pribadong Katolikong paaralan sa buong bansa, at ang Revitalize Certificate Program in Educational Technology para sa pagsasanay ng edtech specialists.
Nakatakda ang mga kolaborasyon sa Yakult, Security Bank, Jollibee Foods Corp., at Commission on Higher Education.
Ang huling bahagi ng inisyatiba ay Excel, kung saan sasaklawin ang mga micro-credential program, kabilang ang proyektong pangkatesismo sa pakikipagtulungan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na magtatatag ng National Institute for Catechetical Education.
“Ito ‘yong tall order para sa isang unibersidad, para sa isang higher education institution na hindi lamang mag-train ng professionals na competent,” wika ni Dasas sa Varsitarian.
“Mayroon din [dapat] tayong pananagutan sa pagbuo at pag-contribute sa body of knowledge sa pamamagitan ng research,” dagdag pa niya.
Kabilang din sa Excel ang mga pangmatagalang adbokasiya para sa social transformation at community empowerment, gaya ng teacher exchange programs.
Binanggit ni Dasas ang pagbubukas sa lalong madaling panahon ng Center for Holistic and Inclusive Learning and Development (CHILD), isang teaching, research, and innovation hub para sa elementary education.
Nilagdaan na ang ilang memorandum of agreement (MOA) para sa proyektong ito. May ulat nina Frenchshield Shayne G. Delovieres at Ma. Irish F. Fery







