HINDI tutol ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa napipintong Pax Silica initiative sa Filipinas, ngunit nagbabala ang tagapangulong si Marites Barrios-Taran na maaaring maapektuhan nito ang mga katutubong pamayanan at wika sa bansa.

“‘Yong wika natin, nakasalalay ‘yan sa mga pamayanan. Kapag nagkaroon ng dispersion, pag-alis ng mga katutubo, pati ‘yung wika ay hihina,” wika ni Taran, komisyoner para sa wikang Tagalog, sa panayam ng Varsitarian.

Inihayag ni Taran na dapat paghandaan ng pamahalaan ang posibleng epekto ng proyekto, partikular sa pagtatayo ng mga artificial intelligence (AI) data center na maaaring magkaroon ng epekto sa kalikasan at sa malaking bahagi ng katutubong komunidad.

“At sino ang binibigyan ng obligasyon o pananagutan para mapabuti ang isang napipintong masama? Ang pamahalaan,” wika niya.

Para kay Taran, hindi pa ganap na handa ang Filipinas sa mabilis na pag-usbong ng AI, lalo na sa usapin ng wika at kultura.

Binigyang-diin niyang hindi pa nakapaghahanda ang KWF ng ortograpiya para sa lahat ng wika sa Filipinas nang magsimulang lumaganap ang paggamit ng AI. 

Bagaman sinisikap ng komisyon na tuklasin ang malawak na paggamit ng AI sa iba pang proyekto bilang kasangkapan, inamin ni Taran na hindi pa ito ginagamit ng KWF sa pagsasalin.

Kinilala ng KWF ang potensiyal ng AI bilang kasangkapan sa pananaliksik at iba pang larangan, tulad ng kanilang tema ngayong taon na “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Ipinaliwanag ni Taran na maituturing na natural phenomenon ang pag-usbong teknolohiya at hindi na ito paipigilan pa. 

Aniya, makatutulong ang teknolohiya kung gagamitin ito nang etikal at responsable kung kaya’t mahalaga na magkaroon ng malinaw na pamantayan sa paggamit nito, lalo sa wika at panitikan.

Sa usapin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa mga susunod na taon, sinabi ni Taran na nais niyang dumating ang panahong hindi na kailangang hikayatin ang kabataan na makilahok upang mapanatili at mapreserba ang wikang Filipino.

Sana hindi na magkaroon ng selebrasyon ng Wikang Pambansa para manghikayat ng mga kabataan para sumali. Sana ay para na lang magdiwang dahil malakas ang wika,” aniya. May ulat ni Dan Cedric V. Latasa

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.