HINDI na bago sa pandinig ang mga Pilipinong manunulat na naninirahan sa ibang bayan. Magmula kay Jose Rizal hanggang kay Jessica Hagedorn, makikita na patuloy na umuusbong ang panitikang Filipino sa ibang bansa. Ngunit nakabubuti nga ba ito sa ating bayan o nagpapahiwatig lamang ng lalong pagkakawatak-watak ng lahing Pilipino?
Sa isang panayam sa Varsitarian, pinatunayan nina Jose Wendell Capili, Marianne Villanueva at Ninotchka Rosca na ang pagiging makabayan ay hindi natatapos sa sandaling tumapak ang isang Pilipino sa lupaing banyaga.
Paglisan at pakikipagsapalaran
Naniniwala si Capili, makata at ng Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Unibersidad ng Pilipinas, na hindi lamang siya ang makikinabang sa kaniyang desisyong mag-aral sa ibang bansa.
“Nag-aral ako sa mga pangunahing unibersidad sa ibang bansa dahil mas marami akong maiaambag sa bansa natin kung magkakaroon ako ng mga karanasang maari kong magamit sa pag-uwi ko,” ani Capili, na dating manunulat ng Varsitarian.
Nag-aral si Capili ng Comparative Literature and Culture sa University of Tokyo at kinuha ang kanyang Master’s degree in Philosophy in Social Anthropology sa University of Cambridge. Sa kasalukuyan, kandidato siya para sa Ph.D sa Research School of Pacific and Asian Studies ng Australia National University kung saan sinasaliksik niya ang tungkol sa Southeast Asian Diaspora Writers sa Australia.
Samantala, nagtungo si Villanueva sa Amerika upang anihin ang kaniyang Masters Degree in East Asian Studies sa Stanford University na nakuha niya noong 1981. Para sa kanya, patuloy niyang nasasalamin sa kanyang mga maikling kuwento ang kulturang Pilipino sa kabila ng kaniyang paninirahan sa Amerika.
“Parati akong sumusulat mula sa pananaw ng isang Pilipino. Binubuo ng aking kultura ang aking katauhan,” pahayag ni Villanueva, na nakapaglathala na ng dalawang koleksyon ng maikling kuwento, kabilang na ang Ginseng and Other Tales From Manila.
Para naman sa batikang nobelistang si Ninotchka Rosca, awtor ng State of War, hindi lamang sa kaniyang mga kuwento naipamamalas ang kaniyang pagka-Pilipino. Sa kabila ng tatlong dekadang paninirahan sa ibang bansa matapos mapilitang umalis sa Pilipinas sa kasagsagan ng diktaturyang Marcos, aniya, “Patuloy ang aking pagtuligsa sa mga bagay-bagay sa Pilipinas.”
Bagama’t higit na hiyang sa Ingles ang tatlo, hindi ito naging sukatan ng pagiging makabayan nila, sapagkat ayon sa kanila, ang kapangyarihan ng nakalimbag na wika, Filipino man o Ingles, ay walang kinikilalang hangganan.
“Sa pagpili sa isang literary language o wikang ginagamit sa iyong pagsusulat, kailangan piliin mo ang wika kung saan ka komportable at pangalawa, binabagayan ang iyong audience,” sabi ni Capili.
Mahalaga rin para kay Capili ang pagsusulat nang may kaugnayan sa bansa kung saan siya naroroon.
“Kailangang isipin din ng mga manunulat ang mga mambabasa sa bagong bansang kanilang pinasukan. Kailangang malaman nila ang kultura at kailangan nilang makibagay para magkaroon sila ng sarili nilang mambabasa,” ani Capili.
“Kung masyadong eksklusibo ang kanilang pananaw sa mundo, walang magbabasa ng kanilang isinusulat.”
Para naman kay Villanueva, napakaraming gamit ng mga salita sa wikang Filipino.
“Mayaman ang wikang Filipino, dahil maraming emosyon ang higit na nailalarawan nang mabuti sa Filipino dahil tayo ay expressive na lahi,” ani Villanueva. Halimbawa, ang salitang “utang na loob” ay hindi lubusang naisasalarawan ng Ingles na katumbas nito na “returning a favor,” sabi niya.
Pakikibagay at pagbibigay
Sa panahong inilagi nina Capili, Rosca, at Villanueva sa ibang bansa, natutuhan na nilang mamuhay sang-ayon sa bagong mundong kanilang ginagalawan.
Para kay Villanueva, nakuha niya ang lakas ng loob sa pagsusulat sa pagtungo niya sa Estados Unidos.
“Mas malakas ang loob ko ngayon dahil narito ako,” ani Villanueva. “Nakapagsusulat ako ng kahit ano nang hindi inaalala ang maaaring kahinatnan nito,” dagdag pa niya.
Ayon kay Villanueva, malaking bagay ang ginampanan ng kultura ng Pilipinas sa kaniyang mga isinusulat, lalo na ngayong nasa kabilang panig siya ng mundo. “Malaking tulong ito kapag narito ka sa Amerika sapagkat nagkakaroon kaagad ng pagkakaiba ang paraan ng iyong pagsusulat na nakuha mo sa iyong kultura,” ani Villanueva.
Sang-ayon naman dito si Rosca, na nagsabing, “Kung minsan may pagka-exotic ang aking paksa, kasi hindi naman pamilyar sa ibang mundo ang mga Amerikano.”
Mas lalo ring tumindi ang kaniyang pagmamalasakit para sa bayan. Itinatag niya ang samahang General Assembly Binding women for Reform, Integrity, Equality, Leadership, and Action (Gabriela ) noong 1984, na naglalayong ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan at ipagtanggol sila sa anumang uri ng pang-aabuso.
“Sa pamamagitan ng pag-aaral, pakikipagdebate, pakikipagkuwentuhan sa iba‘t ibang Pinoy, at pakikilahok sa organisasyong makabayan sa Pilipinas tulad ng Gabriela, napapanatili ko ang pagiging makabayan,” sabi ni Rosca.
Ang pagiging sensitibo naman ng kaniyang damdamin ang naging epekto ng pangingibang-bayan para kay Capili.
“Mas lalo akong naging sensitibo sa aking pagsusulat. Kapag malikhain ka kasing tao, ‘di mo lamang iniisip ang mga ginagawa mo sa pang-araw-araw mong pamumuhay, dahil dalawa ‘yong mundo mo, ‘yong pisikal na mundo at ‘yong malikhain mong mundo,” ani Capili.
Dalawang wika, isang diwa
Para sa isang bansang hinahamon ng pagkakawatak-watak , nagiging instrumento ang mga manunulat tulad nina Capili, Rosca at Villanueva upang ipalaganap ang damdaming nasyonalismo sa loob at labas ng bansa.
“Kahit saang lugar maluklok ang isang Pilipino, “pango ka pa rin at punggok ka pa rin,” ani Capili, na piniling bumalik sa Pilipinas upang magturo at ibahagi ang kaniyang mga natutuhan. “Nararapat lamang na gawin ko ang lahat ng aking puwedeng magawa, dahil ang kailangang makinabang sa akin ay ang sarili kong bayan.”
Ganoon din ang paniniwala ni Villanueva, na nagsabing, “Hindi ako maaaring magpanggap na Amerikano ako. Kung ano ako, ‘yon ako, kaya naman lagi akong naghahanap ng paraan para ipaalam sa ibang tao ang tungkol sa Pilipinas. Tunay kong ipinagmamalaki ang aking pagiging Pilipina,” pagmamalaki ni Villanueva.
Nagagalak si Villanueva sapagkat patuloy na dumarami ang mga Pilipinong manunulat hindi lamang sa Estados Unidos, kundi maging sa ibang panig ng mundo.
Aniya, “Marami kami rito (mga Pilipinong manunulat), isang magandang palatandaan na higit na dumarami ang naililimbag na gawang Pilipino. May mga manunulat tayo na napakahusay at unti-unting nang nakikilala.”
Para kay Villanueva, marami pa ring hamon para sa mga manunulat sa Estados Unidos hango sa kaniyang mga karanasan.
“Ang pinakamabigat na problemang hinarap ko ay pangungulila. Sa Amerika kasi, kaniya-kaniya ang mga tao kaya naman nakakahiyang lumapit at humingi ng tulong. Buti na lang may mga Pilipino akong nakasama noon na nakatulong sa akin sa pamamagitan ng madalas naming pagkikita-kita,” sabi ni Villanueva.
Kaya naman mayroon siyang maipapayo sa mga baguhang Pilipinong manunulat sa ibang bansa.
“Mahalagang magkaroon ng respeto sa sarili at integridad. Huwag magdamot ng papuri dahil nakapagpapalakas ito ng loob sa sinumang nagsisikap na manunulat.” Kristine Joy L. Dabbay at R. U. Lim