MAHALAGA ang paggamit ng mga lokal na pangalan ng bagyo at wikang Filipino sa pagpapalaganap ng mga babala upang mas madaling maunawaan ng publiko ang mga panganib at makapaghanda sa kalamidad, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Bagaman may internasyonal na pangalang itinatalaga ang Regional Specialized Meteorological Center Tokyo, nagbibigay rin ang Pagasa ng lokal na pangalan sa mga bagyong nabubuo o pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
“Ito ay isang paraan para maging mas pamilyar at mas madaling matandaan ito ng publiko,” wika ni Loren Joy Estrebillo, information officer ng Pagasa, sa panayam ng Varsitarian.
Ayon kay Estrebillo, nakatutulong ang mga lokal na pangalan upang madaling masubaybayan ng publiko ang mga babala ng Pagasa at mga lokal na pamahalaan.
“Mas madaling masusundan at mababantayan ng publiko ang opisyal na mga warning mula sa ahensya at lokal na pamahalaan, lalo na kung paano makakaapekto ito sa kanila at ano ang maaari nilang aksyon para maiwasan ang panganib na dala ng bagyo,” dagdag niya.
Nagsimulang gumamit ng internasyonal at lokal na pangalan ng mga bagyo noong 1963 sa ilalim ng dating Philippine Weather Bureau, bago ito naging Pagasa noong 1972.
Binibigyan ng lokal na pangalan ang isang sama ng panahon kapag umabot ito sa kategoryang tropical depression at nasa loob ng PAR.
Ayon kay Estrebillo, layunin ng Pagasa na hindi lamang maiparating ang impormasyon kundi matiyak ding nauunawaan ng mga mamamayan ang mga panganib upang makapagpasya sila kung paano maghahanda sa kalamidad.
Kabilang sa mga mapaminsalang bagyong tumama sa bansa ang “Yolanda” (“Haiyan”) noong 2013, “Pablo” (“Bopha”) noong 2012, “Odette” (“Rai”) noong 2021 at “Ompong” (“Mangkhut”) noong 2018.
Proseso ng pagpapangalan
Gumagamit ang Pagasa ng nakatalagang listahan ng mga pangalan ng bagyo na sinusunod ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga ito bawat taon.
Binibigyan ng lokal na pangalang nagsisimula sa mga titik A hanggang Z, maliban sa X, ang mga bagyong nabubuo o pumapasok sa PAR.
May apat na hanay ng tig-25 regular na pangalan na salit-salitang ginagamit kada apat na taon.
Mayroon ding apat na karagdagang hanay na may tig-10 pangalan para sa mga bagyong lalampas sa 25 sa loob ng isang taon.
Batay sa tala ng Pagasa, tinatayang 20 bagyo ang pumapasok sa PAR bawat taon, at karaniwang siyam sa mga ito ang nagla-landfall.
Inihalintulad ni Roy Rene Cagalingan, senior language researcher ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang pagbibigay ng lokal na pangalan sa bagyo sa paghahanda sa pagdating ng isang hindi pamilyar na bisita.
“Kaya paghahandaan ng bayan ‘yong pagdating ‘di ba? Paghahandaan nila ‘yong bisita, mag-aayos kung kailangan,” wika niya sa panayam ng Varsitarian.
Ayon kay Cagalingan, ang pagiging pamilyar ng pangalan sa pandinig ng mga Pilipino ay nakatutulong upang mas madaling maunawaan ang mga babala.
“‘Pag pamilyar sa tenga mo, sa bibig mo, kapag binigkas mo [na] parang kapitbahay mo lang o parang kakilala mo lang din kumpara doon sa banyagang pangalan, mas madaling pasukin ‘yong loob ng sinumang makakarinig nito,” dagdag niya.
Binigyang-diin din niya ang malawak na naaabot ng pagbabalita sa wikang Filipino, kabilang ang mga sektor na may limitadong access sa impormasyon.
Binanggit ni Cagalingan ang “Patnubay sa Weder Forkasting,” isang diksyunaryong inilabas ng KWF at Pagasa noong 2015 upang magbigay ng mga katumbas at paliwanag sa Filipino ng mga teknikal na termino sa meteorolohiya.
Kabilang sa mga terminong nakapaloob dito ang “daluyong” para sa giant waves, “halumigmig” para sa humidity at “hanging haginit” para sa fresh wind.
Ginagamit din sa pag-uulat ng panahon ang mga terminong “rainfall,” “hanging banayad” at “dagliang pag-ulan.”
Listahan ng mga pangalan
Noong 1998, inilunsad ng Pagasa ang “Name a Bagyo” campaign upang mangalap ng mga mungkahing pangalan mula sa publiko.
Pumili ang ahensiya ng 140 pangalan na hinati sa apat na hanay para sa lokal na pagpapangalan ng mga bagyo.
Binago ng Pagasa ang sistema ng pagpapangalan noong 2001, nang magsimula itong gumamit ng magkakasunod na pangalan batay sa alpabetong Ingles.
Hindi na rin ito limitado sa mga pangalang pambabae, bilang tugon sa obserbasyon na iniugnay ng lumang sistema ang sama ng panahon sa kasarian.
Inaalis ng ahensiya sa listahan ang mga pangalan ng bagyong nagdulot ng hindi bababa sa 300 pagkamatay o P1 bilyong pinsala sa agrikultura, imprastraktura at iba pang ari-arian.
Noong 2015, pinalitan ng “Yasmin” ang “Yolanda” sa listahan matapos magdulot ang bagyo ng 6,300 pagkamatay sa bansa.
Noong 2025, inalis ng Pagasa ang pitong pangalan ng bagyo dahil sa lawak ng pinsala at bilang ng mga nasawi. Ang mga ito ay “Crising,” “Emong,” “Mirasol,” “Nando,” “Opong,” “Tino” at “Uwan.”







