(Dibuho ni Mhyzell Dayne J. Oblepias/ The Varsitarian)

NAGBALIK-TANAW ang propesor at kritiko na si Soledad Reyes sa malalim na ambag ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido Lumbera bilang tagapagtaguyod ng wikang Filipino at panitikang bayan sa bansa.

Sa ikaapat na anibersaryo ng pagkamatay ni Lumbera, binigyang-diin ni Reyes ang naging papel ng kanyang dating guro sa pagtataguyod ng Filipino bilang midyum ng panitikan.

Ayon kay Reyes, hindi lamang mahusay na kritiko si Lumbera kundi isang manunulat na aktibista na inialay ang kanyang buhay sa bayan.

“He has taught us how to love this country and do what you can to help this country face the future. [Isa na roon] ‘yong pivot to vernacular literature,” wika ni Reyes sa kanyang lektura sa Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman.

Isa sa mga pinakamahahalagang ambag ni Lumbera ay ang “Tagalog Poetry, 1570–1898: Traditions and Influences in Its Development,” ang unang komprehensibong pag-aaral sa apat na siglo ng tulang Tagalog.

Inilathala ang mga bahagi nito sa Philippine Studies noong 1968–1969, panahong bihira pa lamang magtampok ng panitikang Filipino ang mga akademikong publikasyon. 

Ayon kay Reyes, itinuring ang pag-aaral bilang foundational text sa pagsusuri ng panitikan sa mga lokal na wika.

Binigyang-diin din ni Reyes ang mahalagang papel ni Lumbera sa “Brown Heritage” (1967) ni Antonio Manuud, isang multidisiplinaryong tomo sa panitikang Pilipino na tumalakay sa mga akdang nasa Espanyol, Tagalog, at Ingles, gayundin sa musika, kasaysayan, at wika.

“Bien (Bienvenido) played a key role in the production where he was a major author on Tagalog literature, focusing his attention on Tagalog fiction,” wika ni Reyes.

Ayon sa kanya, bunga ito ng konsultasyon ng mga administrador at guro bilang tugon sa panawagang Filipinisasyon noong dekada 1960, na pinatindi ng artikulong “Down from the Hill” sa The Guidon noong Nobyembre 1968.

Dagdag pa ni Reyes, ang pagiging manunulat para kay Lumbera ay hindi lamang malikhaing gawain kundi isang tungkulin sa lipunan.

“Ang writer ay hindi lamang creator, ang writer ay isa [ring] producer. Hindi siya nasa ivory tower, nandito siya sa lupa. Tumatapak siya sa lupa, hindi siya p’wedeng palaging nakatingin sa butuin,” wika ni Reyes sa Varsitarian.

Sa panig naman ni Tala “Laya” Lumbera, anak ng yumaong alagad ng sining, layunin ng naturang lektura na pagyamanin ang kritikal na pag-iisip ng mga manunulat, iskolar, at mambabasa sa kasalukuyan.

“Lahat ng paksa ay nakaugat sa kanyang paninindigan na ang panitikan ay dapat laging nakaugnay sa taumbayan. Nagsisilbi itong boses ng bayan at salamin ng ating kasaysayan,” tugon niya sa Varsitarian.  

Si Lumbera ay nagsilbing tagapangulo ng Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA), isang samahan ng mga aktibistang manunulat na itinatag noong dekada sitenta upang isulong ang panitikang makabayan.

Nagtapos siya ng Bachelor of Literature in Journalism sa dating Fakultad ng Pilosopiya at Letra ng Unibersidad noong 1954 at naging katuwang na patnugot sa panitikan ng Varsitarian noong 1953.

Pumanaw si Lumbera noong Set. 28, 2021 dahil sa komplikasyon dulot ng stroke.

Idinaos ang lekturang may temang “Parolang Ginto: Bienvenido Lumbera Lighting the Way (1967–1972)” sa UP Vargas Museum noong Set. 28. May ulat ni Frenchshield Shayne G. Delovieres

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.