PALALAKASIN ng UST College of Education ang pagsasanay ng mga guro lalo na sa early childhood education, kasunod ng pagkilala rito bilang Center of Excellence ng Teacher Education Council (TEC) at batay na rin sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).

Ayon kay Asst. Dean Louie Dasas, hamon sa kolehiyo ang pagkilala upang higit pang mapahusay ang mga programa nito at makatulong sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

“We see the recognition not simply as an achievement or a title, but as a challenge to continue improving what we do,” wika ni Dasas sa panayam ng Varsitarian.

Sa datos na inilabas ng EDCOM II noong Enero, lumabas na tinatayang 40 porsiyento lamang ng mga batang edad zero hanggang apat ang may mga librong pambata.

Mahigit 4,600 barangay sa bansa ang walang Child Development Center, na nagsisilbing lugar para sa maagang pagkatuto at paglinang ng kakayahan ng mga bata.

“Considering the EDCOM2 findings, [we recognize] that strengthening teacher education must begin by preparing educators who can provide quality learning experiences during the foundational years,” wika ni Dasas.

Sa ilalim ng Republic Act 11713 o Excellence in Teacher Education Act, kabilang sa mga tungkulin ng mga Center of Excellence ang pagpapatupad ng mga makabagong programa sa pagsasanay ng mga guro, pagsasagawa ng pananaliksik para sa pagpapabuti ng mga patakaran sa edukasyon, at pagbuo ng kurikulum at kagamitang panturo.

Tatanggap ang Unibersidad ng P5 milyong pondo upang palakasin ang mga inisyatibang kaakibat ng pagkilala.

Magkakaroon ng scholarship ang mga mag-aaral sa mga prayoridad na programa ng TEC, tulad ng early childhood, special needs at values education. Saklaw nito ang matrikula mula sa pagpapatala hanggang sa pagkuha ng lisensiya bilang guro.

Kabilang din sa mga prayoridad ng kolehiyo ang pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa iba pang Teacher Education Institutions, partikular sa mga Katolikong institusyon, sa pamamagitan ng mentoring, capacity building at pagbabahagi ng kadalubhasaan.

Ani Dasas, may pananagutan ang kolehiyo na ibahagi ang kaalaman at kakayahan nito sa iba pang institusyon upang makatulong sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon ng mga guro sa bansa.

“It affirms the quality that the UST College of Education has sustained over the years, but it also challenges us to continuously improve and contribute more actively to strengthening teacher education in the country,” dagdag niya.

Unang kinilala ang UST College of Education bilang Center of Excellence noong 2006 sa ilalim ng dating sistemang pinangangasiwaan ng Commission on Higher Education.

Iginawad ang bagong pagkilala noong Set. 30 sa The Manila Hotel bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.