Hadlang sa paglinang at pangangalaga ng Filipiniana resources ang kakulangan at mahinang pagpapatupad ng mga batas na nagpoprotekta sa karapatang-sipi at sa pambansang kasaysayan, ayon sa eksperto.
Para kay Alvin Buenaventura, executive director ng Filipinas Copyright Licensing Society, Inc. (Filcols), ang mga polisiya hinggil sa copyright ay hindi sapat at hindi naipatutupad ng maayos, dahilan ng mabagal na pag-unlad sa accessibility ng Filipiniana material sa bansa.
“Lahat ng problema natin sa baba, hindi natin problema. Problema ‘yong nasa taas,” aniya sa isang panayam ng Varsitarian, habang isinasagawa ang Filipiniana Conference (FilCon) 2025.
Ipinaliwanag ni Buenaventura na idinisenyo ang mga batas sa copyright upang protektahan ang mga may-akda habang pinananatili ang patas na paggamit ng kanilang mga akda, lalo na sa edukasyon.
Inalala niya ang Berne Convention at ang prinsipyo ng national treatment, kung saan dapat igalang nang pantay ang lokal at banyagang awtor — isang patakarang kapaki-pakinabang para sa mga Pilipinong manunulat.
Hindi rin umano layunin ng copyright law na hadlangan ang paggamit o pag-reproduce ng mga akda para sa edukasyon. Sa halip, nilalayon nitong maging legal at patas ang mga proseso ng paggamit ng mga ito.
“We’re not here to tell people not to photocopy or reproduce or to go online. Wala ‘kong sinabi noon. Sinabi ko na illegal pero ginagawan namin ng paraan,” aniya.
“Because reproduction, whether photocopying or online reuse [is] essential to education. Since we cannot stop them from doing it, what we’re doing is licensing the use,” dagdag pa niya.
Giit ni Buenaventura, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng copyright licensing upang pangalagaan ang karapatan ng mga manunulat at mapanatili ang malayang daloy ng kaalaman sa mga institusyong pang-akademiko.
“The purpose of the laws is to make us all walk this world in this life respecting each other,” aniya.
Binatikos din niya ang kawalan ng aksyon ng mga mambabatas sa pagpasa ng mga panukalang batas na magpapadali sa legal na paggamit ng mga akdang may copyright, gaya ng Extended Collective License (ECL) system na matagumpay nang ipinatutupad sa mga bansang gaya ng Denmark at Sweden.
Paliwanag ni Buenaventura, magiging mas produktibo ang mga manunulat at mananaliksik kung maayos ang copyright system sa bansa.
“Kung katulad tayo sa ibang bansa, na kumikita ng sapat ‘yung researcher, mas maraming ‘yong magiging output,” paliwanag niya.
Samantala, binigyang-diin ni Maria Eloisa de Castro, komisyoner ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang kahalagahan ng digitization bilang paraan ng pagpapanatili at pagpapalawak ng akses sa mga makasaysayang materyal.
Ibinahagi niya ang halimbawa ng Quezon Papers, na karaniwang ginagamit sa digital copies upang mapangalagaan ang dokumento at mapadali ang pagbabasa. Aniya, nakatutulong ang digitization upang maging bukas sa publiko ang mga dokumento nang hindi nalalagay sa panganib ang mga orihinal na kopya.
Nagbabala naman si Buenaventura sa potensyal na paggamit ng digitized materials sa AI training nang walang pahintulot o bayad, at sinabing may mga kaso pa sa iba’t ibang hurisdiksyon na hindi pa napapasiya kaya’t hindi pa matuldukan ang usapin.
Iginiit ni De Castro ang pagtuturo ng tama sa pamana at mahikayat ang mga mag-aaral na kilalanin ang sariling kasaysayan.
“It’s really an issue of knowing your heritage. Most Filipinos don’t know their heritage. Because it is not taught right,” ani De Castro.
Dagdag pa niya, nananatiling hamon ang kakulangan at maling paglalaan ng pondo sa pagpreserba ng mga koleksyon at sa paglalathala ng mga akdang may mataas na halagang pangkasaysayan ngunit hindi komersyal.
“Ang Pilipinas, hindi makahabol kasi kung saan-saan ilalagay ‘yong pera,” aniya. May ulat ni Jacob Justin S. Urag







