NANANATILING hamon sa mga paaralan ang pagtatalaga ng mga guro sa asignaturang hindi tugma sa kanilang espesyalisasyon dahil sa problema sa demand at supply ng mga guro, ayon sa isang eksperto.
“Ibig sabihin, in-expose nito na baka masyadong maraming major na pino-produce sa isang asignatura at kakaunti sa iba,” ani Assoc. Prof. Louie Dasas, eksperto sa kurikulum at katuwang na dekano ng UST Kolehiyo ng Edukasyon, sa panayam ng Varsitarian.
Muling nabuksan ang usapin nang maglabas ang Second Congressional Commission on Education ng komiks na nagpapakitang may ilang guro sa Filipino na nagtuturo ng agham.
Ayon sa komisyon, 67% ng mga guro sa high school ang nagtuturo ng mga asignaturang labas sa kanilang pinag-aralang espesyalisasyon, batay sa Facebook post nito.
Ibinahagi ni Dasas na marami umanong graduate ng Bachelor of Secondary Education ang nagtuturo ng kanilang major, ngunit nadaragdagan ang teaching load dahil sa kakulangan ng guro sa ibang asignatura.
Dagdag niya, lumalala ang sitwasyon dahil wala umanong pambansang sistemang tumataya sa pangangailangan sa mga guro.
“Iyong strategic workforce planning, hindi lang ‘yon gawain ng TEI (Teacher Education Institute), hindi lang ‘yon gawain ng isang agency. So, it’s really one whole ecosystem working kapag sinama natin ‘yong demand and supply,” paliwanag ni Dasas.
Para kay Prof. Myra De Leon, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, nakasanayan na sa maraming paaralan ang pagtatalaga ng mg guro sa ibang asignatura, ngunit hindi ito dapat ginagawang normal.
“Ang pagtatalaga ng guro sa asignaturang hindi tugma sa kaniyang propesyon, bagaman pinahihintulutan sa ngalan ng flexibility, ay maaaring magdulot ng mababang kalidad ng pagtuturo, kakulangan sa lalim ng kaalaman, at posibleng stress at burnout,” aniya sa isang panayam ng Varsitarian.
Iniugnay ni De Leon sa “globally competitive mindset” ang pagdami ng mga nagma-major sa English kumpara sa Filipino, na aniya’y nagdudulot ng “maling persepsyon” sa pagpili ng Filipino bilang espesyalisasyon sa kabila ng ambag nito sa edukasyon at lipunan.
Ayon kay Vargas, dapat tutukan ang mga sistematikong problema sa edukasyon, kabilang ang pagpapahalaga sa kontribusyon ng iba’t ibang propesyon.
Iminungkahi niya ang paggamit ng data-driven na pagsusuri, pagtukoy sa mga mandatong nagpapabigat ng trabaho sa mga guro, at paghikayat sa mga ahensya na iwasan ang generalization sa pagtatalaga ng guro upang makabuo ng konkretong reporma.
“Kinakailangan ang isang holistikong reporma sa edukasyon na sumasaklaw hindi lamang sa disenyo ng kurikulum kundi pati sa sapat na pagsasanay ng mga guro, paggamit ng makabagong kagamitang panturo, at agarang pagresolba sa mga problemang pampaaralan,” ani De Leon.
Sinabi ni Dasas na hindi lamang sa loob ng classroom ang maaaring tahaking career pathways ng mga guro.
“Sa totoo lang, mataas ang demand sa larangan ng wika at komunikasyon, pati sa ibang bansa. Mahalaga ring makita ang Filipino bilang isang viable na kurso at propesyon,” ani Dasas. Ma. Irish F. Fery







