‘Malalansang salita’: Kultura ng karahasan, laganap na sa online platforms

0
71

BAHAGI na ng kulturang Pilipino ang karahasan dahil sa tuluyang pagkasanay ng lipunan dito, ayon sa isang paring aktibista at dating manunulat ng Varsitarian.

Para kay Fr. Albert “Paring Albert” Alejo, hindi na lamang pisikal na pananakit ang anyo ng karahasan dahil nakikita na rin ito sa online platform

“Itong karahasan ay nagiging kultura na at ‘di lang ito dahas ng bala kundi marami pang iba. Pati bullying, cybercrime at cyberbullying,” ani Alejo sa isang talakayan. 

“Hindi lang tayo mayroong krisis sa ekonomiya. May krisis tayo sa kultura, at isang [aspekto] diyan ay krisis sa paggamit ng salita,” aniya.

Maaaring “patayin” o “salaulain” ang wika sa pamamagitan ng paggamit nito upang manakit, manakot, o magpalaganap ng karahasan, ani Alejo.

Ibinahagi niya ang kaniyang tulang “Salot” bilang tugon sa tinuran niyang krisis.

“Lumalalâ ang salot sa kirót na dulot ng malalansáng salita,” wika ni Alejo sa unang bahagi ng akda.

Matagal nang tinatalakay ni Alejo sa kaniyang panulat ang pagkasanay ng lipunan sa karahasan. 

Noong 1993, inilathala niya ang aklat na “Sanayan lang ang Pagpatay,” na nagpapakitang nagiging bahagi ng lipunan ang karahasan kapag ipinagwawalang-bahala nito ang kaliwa’t kanang krimen. 

“Hindi lang sa isang tao [ang] natututong pumatay kundi buong lipunan na pumapalakpak, sumasaludo sa mga pumapatay at nag-uutos pumatay—may dugo rin sa kamay,” ani Alejo sa panayam ng Varsitarian

“At dahil sa mediatization, trivialization, routinization ng violence, we get accustomed to that,” dagdag pa niya.

Naniniwala si Alejo na napapanahon ang kaniyang akda dulot ng mga karahasan na nangyari sa bansa sa mga sumunod na dekada. Kabilang dito ang Ampatuan massacre noong 2009, Mamasapano massacre noong 2015, at extrajudicial killings kontra droga sa ilalim ng administrasyon ng dating pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod sa kaniyang mga akda, naging inspirasyon si Alejo para sa pelikulang “Tirik” sa panulat ng nobelistang si Charlson Ong, na kabilang sa full-length entries ng Cinemalaya festival 2026. 

Umiikot ang kuwento ng Katolikong pari at isang taxi driver na umaming hired killer ngunit kalaunan ay nagbago ng pananaw at nangakong ititigil ang pagpatay.

May tema ng pagtubos sa kasalanan at pagharap sa mga maling nagawa sa nakaraan, ang “Tirik,” na maaaring mapanood sa Shang-ri La Plaza, Gateway Cineplex 18 at ilang sangay ng Ayala Mall Cinemas mula Agosto 6 hanggang 18.

Ibinahagi ni Alejo ang kanyang pananaw sa karahasan sa isang theological forum ng grupong “Kingdom Keepers” noong ika-4 ng Agosto sa Diyosesis ng Cubao.

Ito ay matapos makatanggap ng mga banta sina Fr. Robert Reyes, isang paring aktibista, at Melba Maggay, isang anthropologist at kapuwa aktibista, dahil sa kanilang mga pahayag hinggil sa Iglesia ni Cristo (INC) sa isang press conference noong Hunyo 10.

Tinawag ni Maggay na “cult” ang INC sa naturang panayam at kinuwestiyon ang impluwensiyang pampulitika nito na isinasagawa sa pamamagitan ng bloc voting tuwing halalan. 

Sinuportahan ni Reyes ang pahayag at sinabi niyang problema ito para sa bansa.

Noong 2019, iniulat nina Alejo, Reyes, at kapuwa pari na si Fr. Flavie Villanueva na nakatanggap sila ng mga banta matapos nilang batikusin ang extrajudicial killings sa ilalim ng rehimeng Duterte. James Maverick R. Talavera

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.