HINIRANG na Mananaysay ng Taon 2026 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang isang manunulat mula sa Kalinga para sa kaniyang sanaysay na tumatalakay sa pangangalaga sa katutubong kaalaman at kinagisnang kultura sa kabila ng pag-usbong ng teknolohiya.
Binigyang-diin ni Rexon Hora Gaston sa kaniyang akdang “Ang Paglimot sa Panahon ng Pag-alala: Paniyaw, Ngilin, at Bain sa Panahon ng Artificial Intelligence” ang pagpapahalaga sa core values ng kanilang komunidad.
Kinilala si Gaston bilang unang manunulat na nagkamit ng gantimpala mula sa kanilang lungsod, na bahagi ng rehiyong Cordillera, sa loob ng mahigit dalawang dekada.
“Ginamit ko ang paniyaw, ngilin, at bain, ang mga pangunahing pagpapahalaga o core values ng kulturang Kalinga, bilang mga halimbawang hindi lamang dapat bigyan ng depinisyon, kundi kailangang maunawaan, maisabuhay, at maipasa sa susunod na salinlahi,” saad niya sa panayam ng Varsitarian.
Ipinaliwanag ni Gaston na ang “paniyaw” ay nagpapaalala sa paggawa ng tama kahit walang nakakakita, habang itinuturo naman ng “ngilin” na hindi lahat ng kayang gawin ay nararapat isagawa, at ang “bain’ ay gumagabay sa maingat, marangal, at makataong pakikitungo sa kapuwa.
Iniugnay niya ang mga konseptong ito sa responsableng paggamit ng AI at gampanin ng mga tao na maging “tagapag-ingat” ng mga alaala.
“Maaaring maging sisidlan ng alaala ang AI, ngunit tao pa rin ang nagbibigay rito ng saysay,” wika ni Gaston.
“Ang teknolohiya ay maaaring maging kasangkapan, ngunit ang pagmamahal, pananagutan, at pagpapasiyang huwag makalimot ay mananatiling tungkulin ng tao,” dagdag pa niya.
Hangad ni Gaston, kawaksing dalubguro mula sa Kalinga State University, na kaagapay lamang ng mga tao sa mga teknikal na gawain ang AI ngunit hindi nito mapapalitan ang kolektibong karanasan ng lipunan.
Dagdag pa ni Gaston, nakikita niya ang AI sa lente ng “kritikal ngunit bukas na pagyakap,” bilang kasangkapan na maaaring magamit sa pagdodokumento, pagsasalin, pag-iimbak, at pagpapalaganap ng wika at kultura.
Nakamit ni Mark Anthony Angeles, guro sa malikhaing pagsulat ng Unibersidad, ang ikatlong gantimpala sa patimpalak para sa kaniyang sanaysay na “Artipisyál ma’y Nakikipagkápuwâ: Artificial Intelligence at ang Buháy na Wikà’t Dánas ng Filipíno.”
Ayon kay Angeles, nakaugat sa konsepto ng kapuwa at pakikipagkapuwa ni Virgilio Enriquez, na kilala bilang Ama ng Sikolohiyang Pilipino, ang kaniyang sanaysay.
Isang halimbawa nito ang paggamit ng unlaping “paki” na may mahalagang papel sa ugnayang pantao dahil ipinapakita nito ang magalang na pakiusap.
Binigyang-diin niya ang limitasyon ng AI sa pag-unawa sa emosyon ng tao sa kabila ng pag-unlad ng tinatawag na affective computing, na nakatuon sa pagbuo ng mga sistemang kayang kumilala, umunawa, at gumaya sa emosyon ng tao.
“Gayunman, mekanikal lang ang simpatiya at empatiyang maibibigay ng AI. Kulang ito sa danas at reaksiyon sa mundo, pati na sa kahinaan, ng tao,” wika ni Angeles.
“Kailangang marunong magberipika ang end user. Kung hindi, mahuhulog siya sa patibong ng AI hallucination,” dagdag pa niya.
Noong 2013, 2015, at 2023, ginawaran ng KWF ng titulong Mananaysay ng Taon si Angeles.
Makatatanggap si Gaston ng P30,000 na gantimpala at P15,000 naman kay Angeles.
Sa temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” idaraos sa ika-27 ng Agosto ang Gabi ng Parangal na inorganisa ng KWF bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026. Dan Cedric V. Latasa







