Manunulat, tagasulong ng wikang Filipino na si Efren Abueg, pumanaw sa edad na 89

0
57

PUMANAW sa edad na 89 ang manunulat at tagapagtaguyod ng wika at panitikang Filipino na si Efren Abueg, noong ika-20 ng Hulyo. 

Alinsunod sa hiling ni Abueg, pribadong isinagawa ng pamilya ang lamay upang bigyang-daan ang taimtim na pamamaalam kasama ang pinakamalalapit na kaanak.

“He lived a life rooted in love, compassion, and service,” ayon sa pahayag ng pamilyang Abueg sa isang Facebook post noong ika-30 ng Agosto, isang buwan matapos ang kanyang pagpanaw.

“He believed that a life well lived was measured not by recognition, but by the kindness we show, the knowledge we share, and the love we leave behind,” dagdag pa nito.

Nagpahayag ng dalamhati at pasasalamat ang ilang mamamahayag at manunulat para kay Abueg. 

“Maraming salamat sa mga payo, inspirasyon, at walang sawang paghikayat—lalo na sa mga panahong pinangungunahan ng pagdududa ang bawat paglikha,” saad ni Johannes Chua, patnugot sa pahayagang The Manila Bulletin.

“Si Efren ang isa sa gumiya sa akin nang ako ay nagsisimula pa lamang sa paglalakbay sa panulat,” 

wika ni Rolando Tolentino, mananaysay at dating dekano ng ngayo’y UP College of Media and Communication.

“Malaking kawalan ang kanyang pagyao gayong malaki ang naging ambag niya sa panitikan ng bansa,” dagdag pa niya.

Siya ang tagapagtatag ng Ang Pahayagang Plaridel, ang opisyal na Filipinong pahayagang pangmag-aaral ng De La Salle University.

“Hinubog din niya ang mga manunulat at itinaguyod ang pagsusulat bilang mahalagang bahagi ng kamalayan,” pahayag ng publikasiyon sa isang Facebook post noong ika-1 ng Setyembre.

“Pinasasalamatan ng pahayagan ang kanyang dedikasiyon sa pagbibigay-inspirasiyon sa mga naghahangad na maging tinig para sa kapuwa Pilipino.”

Inalala ng Departamento ng Filipino ng La Salle si Abueg bilang isang haligi ng kagawaran na bukas-palad na nagbahagi ng kaniyang kaalaman sa iba’t ibang anyo ng pagsusulat at pagsasalin ng mga akda. 

Itinuring siya bilang “ama” ng mga batang guro sa naturang departamento.

Siya rin ang nagtatag ng “Malate Literary Folio” na naging lunsaran ng mga malikhaing akda ng mga manunulat sa Filipino ng La Salle.

Mula 1951, nagwagi si Abueg ng anim na parangal mula sa Palanca Memorial Awards for Literature para sa maikling kuwento. 

Hinirang siyang Pambansang Alagad ni Balagtas noong 1992, iginagawad ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas para sa mga natatanging manunulat.

Kilala si Abueg sa kanyang antolohiya na pinamagatang “Mga Agos sa Disyerto,”  mga maiikling kuwento na sumasalamin sa mga isyung kinakaharap ng Filipinas noong dekada ‘60.

Kabilang din sa kanyang mga akda ang “Mabangis na Lungsod,” “Sa Bagong Paraiso,” Kamatayan ni Tiyo Samuel,” at “Dugo sa Ulo ni Corbo,” mga kuwentong naglalarawan sa realidad ng lipunang Filipino sa iba’t ibang lente.

Tatlong beses siyang nagwagi sa Liwayway Novel Contest, patimpalak sa nobelang Filipino ng Liwayway magazine.

Tumanggap si Abueg ng Gawad Quezon sa Panitikan noong 1993 at Gawad Alab ng Haraya para sa kanyang kontribusiyon sa larangan ng panitikan.

Naglingkod bilang guro ang namayapang nobelista sa iba’t ibang unibersidad tulad ng UP, Pamantasang Manuel L. Quezon, Pamantasang Lungsod ng Maynila, Ateneo de Manila, at Politeknikong Pamantasan ng Pilipinas. 

Nagsilbi siyang dalubguro sa sangay ng pamantasang De La Salle sa Maynila at Dasmariñas, Cavite. Dan Cedric V. Latasa

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.