“Ang ating ginagawa ay mamuhay sa panahon ng matinding pakikibaka para hanapin ang ating mga sarili sa masalimuot na realidad ng siyudad.”
Ang iba’t ibang anyo ng buhay ng tao sa lungsod ang pangunahing tampok ng mga akda sa Kuwentong Siyudad (Ateneo de Manila University Press, 2002). Sina Rolando B. Tolentino, Romulo P. Baquiran, Jr., at Alwin C. Aguirre ang nagsilbing mga patnugot sa antolohiyang ito na binubuo ng 28 kuwentong nagsasalaysay at nagpapatunay sa mga pangyayaring umuusbong sa gitna ng siyudad.
Nahahati ang antolohiya sa limang bahagi ayon sa uri at tema. Tulad sa Lulutang-lutang sa Espasyong Tropikal, kabilang dito ang kuwentong Laya Dimasupil ni Luna Sicat at Eskinita ni Elyrah Loyola Salanga.
Sa bahaging Intramuros sa Aking Isipan, mababasa ang kuwentong Kalatas na isinulat ni Anna Ma. M. G. Biglang-awa at Dalantao ni Aguirre.
Ang ikatlong bahagi naman ay tinawag na Amerikanong Barok dahil masasalamin ang talamak na pagsunod ng mga tao sa makabagong uri ng pamumuhay sa siyudad na akala nila ay magiging batayan ng kanilang tagumpay sa buhay. Binubuo ang bahaging ito ng mga kuwentong kagaya ng Kulay: Para Kay Chicken Shit na isinulat ni Tolentino at ang Isang Ordinaryong Araw ni Alva P. Mara.
Ang ika-apat na bahagi na pinamagatang Siyudad ng Tao ay tungkol sa kuwento ng mga taong nakikipagsapalaran sa lungsod. Kabilang sa bahaging ito ay ang mga kuwentong Dublas: Biodata, Certificates, Clearances, at Iba pa na isinulat ni Elmer A. DM. Ursolino at Da UltraInterMegaGalaktikPinoyHero ni Mes de Guzman.
Ang huling bahagi ng antolihiyang ito ay binubuo ng mga kuwentong pinaghalo ang kababalaghan, komedya, at katotohanan, at tinawag na Nanghihingalong Siyudad. Kabilang sa mga kuwentong ay ang A.: Para Kay JM na isinulat ni Tolentino at Today With Kris Aquino ni Rommel B. Rodriguez
Sa kuwentong Today With Kris Aquino, inilarawan ni Rodriguez ang buhay ng taong hindi normal sa paningin ng iba sa pamamagitan ng palabas sa telebisyon ni Kris Aquino at ng isang phone patch interview kay Dr. Holmes. Sa katauhan ni Adonis, ang tinaguriang “lalaking may hiwa”, tinalakay nila ni Kris ang iba’t ibang problemang kanyang nararanasan sa mapanghusgang lipunan.
Binigyan din ni Dr. Holmes ng payo si Adonis kung papaano maging masaya at malampasan ang mga nadaramang depresyon ukol sa mga nararanasang problema sa buhay. Bago matapos ang palabas, binigyan ng pagkakataong muling magpahayag si Adonis ukol sa mga plano niya sa buhay.
Ayon sa mga patnugot, ang antolohiyang ito ay isang mapa. Mapang nagsisilbing larawan o interpretasyon ng tunay na pangyayari sa buhay ng mga taong nakatira o minsang tumapak sa masalimuot na mundo ng siyudad.
Mapanpansin ang pagiging natural at pagkakonserbatibo sa mga dayalogo ng mga pangunahing tauhan bagama’t may piling mga eksenang agresibo. Masasalamin din ng mga mambabasa ang realidad sa pamamagitan ng mga kolokyal na pagtalakay sa iba’t ibang anyo ng buhay.
Naihahatid ang kaisipan ng mga pangunahing karakter sa mga mambabasa ukol sa mga paghihirap at pagpupunyagi nila sa kanilang siyudad. Ipinapakita sa bawat kuwento ang makatotohanang kulay ng lipunan bagama’t ang iba ay may halong kababalaghan at katatawanan na nakatulong din upang lubos na maihatid ang tunay na mensahe ng bawat isa.
Montage Vol. 6 • August 2002