Nagawa kong sipatin ang bawat
puwang sa pagitan ng mga daliring
minsang kumapit sa pangakong
tayo habambuhay.
Nanahan sa palad ang init
ng panandaliang pinagsaluhan.
Hindi maitikom, ‘di maisara,
pilit kong isiniksik sa palasinsingan
ang mga tanong na:
Hindi pa ba sapat ang init upang
pigilan ang iyong paglayo,
o likas na sa pag-ibig ang
magparaya sa oras na ito’y manlamig?
Umihip ang sandaling
pag-aalinlangan,
at tuluyang napawi ang katiyakan.
Singlamig ng amihan ang
pagtitig mo sa puwang
na iyong iniwan.
Doon ko natutuhan
na higit madali palang
pakawalan ang mga daliri,
kaysa pilitin ang kaliwang kamay
na ayaw nang manatili.







