MADISKARTE. Iyan ang deskripsyon ng mga katrabaho ni Jerico Martinez, nagtapos ng Fine Arts sa Unibersidad na ngayo’y isang graphic artist para sa Medical Observer, isang lokal na magasin kung saan pawang mga doktor ang nagsusulat.
Madalas kung nangangailangan siya ng isang bagay, iniisip niya ang lahat ng maaaring mapagkunan at hindi iaatang ang trabaho sa iba. Gaya na lamang nang mangailangan siya ng larawan ng isang taong nakabigti para sa front cover design proposal niya sa kanilang magasin. Hindi na siya humiling sa kanyang superior na makapag-produce at manual niyang iginuhit ang disenyo. Laking gulat din ni Jecho nang ang kanyang likhang iyon ay napiling maging front cover design para sa kanilang isyu noong Abril ng nakaraaang taon.
“Binigyan ako ng dalawang konsepto – pagpapakamatay at depresyon – kaya gumawa ako ng design mula roon na pagpipilian bilang mga cover proposals. Napili naman iyong design ko,” kwento ni Jecho.
Lingid sa kaalaman ng iba na ang panghabol na iyon ang magwawagi ng unang gantimpala sa ginanap na taunang patimpalak ng Society of Publishers in Asia (SOPA) nito lamang Hunyo. Ito rin ang tumalo sa mga lahok ng mga higanteng publikasyon sa buong kontinente gaya ng Time, Newsweek, Forbes, Ad Asia, at Far Eastern Economic Review.
Ayon kay Jecho, kakaiba ang kanyang naramdaman nang siya ay manalo. “Pakiramdam ko hindi ako mananalo kasi hindi ko naman ginawa iyon para talaga sa contest,” sabi ni Jecho.
Si Jecho Bilang Tomasino
Wala namang ipinagkaiba sa ibang mga estudyante si Jecho. Hindi siya naging popular noong siya ay nasa kolehiyo.
“Regular na estudyante ako noon. Pumapasok ng naka-rubber shoes, hihiga sa corridor o kaya sa hagdan kung walang klase,” aniya.
Isa rin siya sa mga pilyong estudyanteng nanunukso ng propesor.
“Madalas tinutukso namin iyong mga prof, pinagdodrawing namin kasi iyong iba may MA lang, pero hindi naman ganoon kagaling sa manual drawing,” ayon kay Jecho.
Madalas din siyang magpalipas ng oras kung walang klase sa bahay ng kanyang kabarakda sa P. Noval. Ang pinakamasayang alaala ni Jecho sa kolehiyo ay ang kanyang group thesis kung saan kumuha sila ng isang kanta ng bandang Yano at gumawa ng video para rito.
Buhay sa Labas UST
Nang siya ay magtapos ng kolehiyo, nagtrabaho si Jecho bilang jeans designer para sa Freego Jeans, ngunit tumagal lamang siya rito ng dalawang linggo.
Pagkatapos ay lumipat siya sa Dyna Records kung saan siya ay nagde-design ng album covers bilang isang junior artist ng dalawang taon.
Matapos ay pumasok naman siya sa Disney Philipines kung saan siya ay naging background artist.
“Ako ang gumagawa ng background na ipinalalabas sa Disney Channel araw-araw,” paliwanag ni Jecho.
Sa Medical Observer na siya pumasok matapos siyang magbitiw sa Disney.
Ayon kay Jecho, hindi niya kailangan ng malaking sweldo, gusto lamang niya na masiyahan sa kanyang ginagawa.
“Basta masaya lang ako, hindi kailangan na maganda iyong suot ko, basta pwede kong sabihin iyong gusto ko (iyong ginagawa ko),” sabi ni Jecho.
Sa Pagtanaw ng Utang na Loob
Gusto ni Jecho na makapagturo sa kanyang kolehiyo (College of Fine Arts and Design) bilang pagtanaw ng utang na loob dito.
“Gusto kong magturo (sa CFAD) sa isa sa mga manual drawing subjects,” pagpapahayag ni Jecho.
Balak din niyang mag-ipon para makapagshift sa pagpipinta na kanyang unang hilig.
Bilang isang propesyonal, wala siyang hinanakit sa mga taong bumabatikos sa kanyang mga likha. Nanatiling mapagkumbaba si Jecho sa kabila ng parangal na kanyang nakamit. Sinisigurado niyang ang lahat ay makakapagdisenyo ng front cover ng kanilang magasin upang kanyang maipamahagi ang ekspiryensiya at karangalan sa iba.
Para kay Jecho, ang tanging konsolasyon ng kanyang pagkapanalo ay ang pagkakaroon ng maipagma-malaki sa kanyang anak balang araw.
“Ngayon, masasabi ko na, ‘anak tingnan mo, nadaig sila ni Daddy’,” nangingiting nasabi ni Jecho. Jennifer B. Fortuno