NAGREKLAMO ang ilang mga estudyante hinggil sa hindi umanong makatwirang sistema ng pagpaparada ng sasakyan sa loob ng Unibersidad.
Sa isang petisyon na inihain ng Thomasian Student Driver’s Organization (THOSDA) sa opisina ni Vice Rector for Finance, sinabi ni Christer James Ray Gaudiano, presidente ng THOSDA, na dahil sa patuloy na konstruksiyon sa loob ng Unibersidad, nawalan na ng lugar kung saan maaring iparada ng mga estudyante ang kani-kanilang sasakyan.
“Nang magsimula ang klase, inireserba na halos lahat ng parking spaces para sa mga empleyado, mga propesor at mga tagapamahala ng UST,” ani Gaudiano, estudyante ng Faculty of Civil Law. “Halos wala nang natira para sa mga estudyante.”
Dagdag pa niya, masyado raw mataas ang bayarin sa Alfredo M. Velayo (AMV) Multi- deck parking para sa mga estudyante.
Bilang resulta, napipilitang pumarada ang mga estudyante sa mga hindi ligtas na lugar sa labas ng Unibersidad, habang napipilitang magbayad ang iba ng mataas na bayarin na umaabot sa mahigit isang daan bawat araw, aniya.
Iminungkahi ng grupo na buksang muli ang mga lugar na paradahan sa kalye ng Osmeña (sa pagitan ng Botanical Garden at UST Main Bldg.) para mabigyan ng sapat na pagpaparadahan ang mga estudyante sa bawat kolehiyo.
Dapat ding ipatupad ang pagpapataw ng permanenteng presyo ng pagpapaparada sa AMV multi-deck parking para sa mga estudyante na may UST car sticker at ibaba ang presyo ng car sticker para sa mga estudyante mula tatlong daan sa isang daan na lamang, petisyon ni Gaudanio.
Bukod pa rito, gusto ng THOSDA na palawakin ang gamit ng mga UST stickers sa mga sasakyan ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagtatalaga nito hindi lang bilang pass para sa pagpasok at paglabas ng mga sasakyan kundi para maging pribilehiyo at paraan para sa seguridad ng mga sasakyan ng estudyante.
“Hindi maximized ang gamit ng stickers na ibinibigay ng paaralan sa mga estudyante,” ani Gaudiano sa kaniyang liham. “Hindi tulad ng ibang empleyado at mga propesor ng Unibersidad na isang daan lamang ang binabayaran ngunit nagkakaroon na sila ng naka-reserbang lugar para paradahan.”
Sa kasalukuyan, wala pang sagot ang opisina ng Vice-Rector for Finance sa petisyojng inihain ng THOSDA. Pagpupulungan pa lamang ito nina Roberto Evangelista, ang namamahala sa pagbibigay ng mga UST car stickers at ni Vice-Rector for Finance Fr. Melchor Saria, O.P., ang pangunahing tumanggap ng liham ng THOSDA. R S. Mejia
anu na kaya ang ngyari sa petition na ihinain.. almost 4 years na pala ito, at lalo pa din kumokonti ang slots para sa mga studyante at patuloy pa din ang pagtaas ng carpark fee.