BUKOD sa kauna-unahang cancer clinic sa buong Pilipinas, alam niyo bang matatagpuan din sa Unibersidad ang pinaka-unang hearing at speech center sa buong bansa?

Inilunsad noong taong 1978, naglalayon ang Hearing and Speech Center na gamutin ang mga pasyenteng may kapansanan sa pandinig at ang mga may-sakit na nahihirapang makapagsalita dahil sa pagkabingi. Naipatayo ang Hearing Center dahil sa pagpopondo ng UST Hospital (USTH). Ngunit bukod dito, malaki din ang naitulong ng isinagawang konsyertong pinamahalaan ni Dr. Eusebio Llamas, isang otologist o doktor na may espesyalidad sa pandinig, upang mapondohan ang pagpapatayo ng Center. Bilang pasasalamat sa mga nag-ambag para maitatag ang naturang Center, pinagpasyahan ng USTH na ialay ito para sa mga kapus-palad na pasyenteng may depekto sa pandinig.

Nakapaloob sa isang sound-proof-acoustics room ang Hearing Center na ginawa noon sa tulong ng Asian Calibration and Electronic Corporation.

Bago sumailalim sa panggagamot ang mga pasyente, dumadaan muna sila sa Otolaryngology Section ng UST Hospital, ang dating Ear, Nose, at Throat Department ng USTH, upang matukoy ang kanilang sakit. Kung lumalabas sa pagsusuri na may problema sa pandinig ang pasyente, pinapapunta sila sa Hearing Center upang masuri ni Llamas para mabigyan sila ng kaukulang lunas. Gamit ang audiometer, isang makinaryang tumutukoy sa kalagayang pandinig ng pasyente, nalalaman ng doktor ang sanhi ng pagkabingi ng pasyente at ang iba pang bahagi ng katawan nitong naaapektuhan ng depekto.

Kapag natuklasan naman na hirap sa pananalita ang pasyente dahil sa kanyang depekto sa pandinig, sumasailalim siya sa isang espesyal na speech therapy. Dito tinuturuan ang mga may-sakit kung papaano makaiintindi kahit hindi sila nakakarinig. Katuwang ni Llamas sa speech therapy si Leticia Buhay, isang speech therapist at propesor sa Faculty of Arts and Letters.

READ
Dibuho

Nagbunga ng maraming matagumpay na operasyon ang Center. Sa katanuyan, ito ang naging inspirasyon upang maitaguyod noong 1996 ang bagong Hearing and Dizziness Center sa UST Hospital.

Bagama’t hindi na masyado nakatuon sa speech theraphy ang Center, naglalayon itong palawakin ang saklaw ng mga may-karamdaman upang magbigay-lunas hindi lamang sa sakit sa pandinig kundi pati na rin sa mga sakit sa mukha at leeg.

Sa paglipas ng panahon, nagbunga ang Hearing and Dizziness Center ng mga post-graduate courses sa audiology gayundin ang Master’s Degree in Clinical Audiology. Nagkaroon din ito ng mga makabagong aparato tulad ng videonystagmoscopy at electronystagmography na tumutugon sa pangangailangan ng mga pasyente.

Noong taong 1998, naging katuwang ng Department of Health ang Hearing and Dizziness Center sa pagsulong sa buong bansa ng National Prevention of Deafness Program, isang programang naglalayong mapalaganap ang tamang pag-iingat sa ating pandinig. At upang mapalawig pa ang kanilang pagtulong, idinaos din nito ang Hearing Screening Program sa ilang bahagi ng Luzon sa pamamagitan ng isang mobile audio unit.

Kabilang ang Hearing and Dizziness Center sa mga institusyon sa Pilipinas na kinikilala sa buong mundo ng International Federation of Otolaryngological Societies (IFOS) at ng International Society of Audiological and Hearing International for the Global Prevention of Deafness and Hearing Impairment. Julie Ann Dominique P. De Leon

Tomasalitaan:

gú-mon (png)- pagkahilig o pagkalulong sa isang bisyo.

Halimbawa: Isang gumon na nakasasama sa kalusugan ng tumatangkilik nito ang paninigarilyo.

Sanggunian:

The Varsitarian: Taon 1978, Tomo 55. Blg. 12

http://www.usthospital.com.ph/departments/dept_otorhinolsryngology.php

http://www.usthospital.com.ph/services/special_hearingdizzinesscenter.php

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.