MATAPOS ang anim na taon sa elementarya, apat na taon sa mataas na paaralan, at apat na taon sa kolehiyo, sa wakas nakuha ko rin ang pinakaaasam kong diploma. Ngunit kahit marami na akong nabasang libro, pinagpuyatang takdang aralin, at nasagutang mga pagsusulit sa mahabang panahong ginugol ko sa pag-aaral, nagkaroon pa rin ako ng pagaalinlangan kung sapat na nga ba ang lahat ng iyon upang maging handa ako sa paghahanapbuhay.
Nasa ikatlong taon ako noon sa kolehiyo ng tuluyang akong binagabag ng tanong na ito. Habang ikinukumpara ko ang aking sarili noong mga panahong iyon sa mga kakilalang nakapagtapos na ng kanilang pag-aaral na nagbibigay sa akin ng payo, napansin kong mayroon silang kumpiyansa sa sarili at awtoridad sa kanilang napiling larangan na wala pa rin ako kahit na malapit na rin ako makapagtapos sa kolehiyo.
Nang maitalaga ako bilang patnugot sa seksyong Filipino ng Varsitarian, dumating ng hindi inaasahan ang sagot sa katanungan kong ito — ang pagiging isang guro sa aking mga manunulat.
Hindi ko ginusto magturo. Kailangan ko lang alalahin ang mga naging karanasan ng mga naging guro ko sa pagpapatahimik sa maingay naming klase para masabing bangungot para sa taong mahiyain katulad ko ang ganitong klase ng gawain.
Subalit dahil kaakibat ng posisyong ipinataw sa akin ang pagabay sa dalawang manunulat sa seksyong Filipino, kinailangan kong harapin ang aking takot sa pagtuturo.
Mabuti na lamang, matapos ng pakikiramdaman, kulitan at ilang press work na sumubok sa pasensya ng aming seksyon, napawi rin ang takot ko sa pagkakaroon ng mga estudyante. Napagtanto kong kahit sanay na sa paggawa ng artikulo ang dalawa kong manunulat, may mga bagay pa rin silang kinakailangang matutuhan — mga batas sa balarila na kailangang nilang maalala, at mga limitasyon sa imahinasyon sa pagsulat na kailangan pa nilang lagpasan.
Ngunit, hindi na bago ang pakikitungo na ito sa relasyong estudyante at ng guro. Ang hindi ko inaasahan ay kung papaano nito nabago ang aking sarili bilang patnugot. Matagal ko nang naririnig sa aking mga naging guro kung papaano nila nahahasa ang kaalaman sa kanilang larangan sa tulong ng pagtatanong sa kanilang mga estudaynte. Subalit bukod sa pang-akademikong aspeto nito, malaki rin ang naitutulong sa isang guro ang pakiramdam na may mga estudyanteng naka-depende sa kanya.
Bago ako maging isang patnugot madalas na bukambibig ko ang mga katagang “bahala na at ayos na iyan,” pagdating sa paggawa ng aking artikulo dala ng aking maling paniniwala na wala nang iuunlad ang aking pagsulat. Subalit ng magkaroon ako ng mga manunulat na patuloy na nagpupursigi upang mapagbuti ang kanilang mga artikulo, nakadama ako nang hiya para sa aking pag-uugali. Pinilit kong baguhin ang pananaw kong ito at mas maging responsable sa aking trabaho upang maging karapat-dapat sa ipinagkatiwala sa aking posisyon.
Bagama’t may bahid ng pansariling interes ang pagbabagong ito, naging daan ito upang mas unahin ko ang kapakanan ng aking mga manunulat kaysa sa pansarili kong kapakanan. Noong una ginawa ko ito dahil kabilang iyon sa aking responsbilidad sa aking posisyon. Subalit ng lumayon, ginagawa ko ito ng bukal sa aking loob.
Kakaibang tuwa ang nararamdaman ko tuwing nakikita kong nakapagsulat ng isang magandang istorya o artikulo ang aking mga manunulat. Minsan dahil sa aking pagpuna, ngunit madalas dahil sa sarili nilang pagpunpunyaging maitaas ang antas ng kanilang pagsusulat. Samantala, kung sakaling nagkaroon naman ng pagkakamali sa kanilang isinulat, sinisisi ko ang aking sarili dahil sa hindi ko nagampanan ng husto ang aking tungkulin bilang kanilang patnugot.
Sa pagiging bahagi ng tagumpay at kabiguan ng aking mga manunulat, naramdaman kong nagkaroon ng kabuluhan ang lahat ng aking natutunan. .
Aanhin ko ba ang aking mga natutunan kung hindi mo ito maibabahagi sa iba?
Bagama’t ang maikling karanasang ko sa pagtuturo ay wala pa marahil sa kalingkingan ng dinaranas ng mga guro sa mga paaralan o ng ating mga magulang, kinapulutan ko pa rin ito ng maraming aral.
Bahagi ng buhay natin bilang estudyante ang pagiging guro. Marahil sa pamamagitan ng pagdaan sa nasabing proseso, tuluyang maunawaan natin na ang edukasyon, bukod sa pagiging personal ay kinakailangan kinabibilangan din ng pakikipagkapwa-tao.
Tulad na naging karanasan ko, hindi lamang limitado sa loob ng silid aralan ang pagtuturo. Maaring mangyari ito sa pagitan ng mga paalis ng opisyal ng student council at sa papalit sa kanila, sa mga estudyanteng seniors sa mga estudyanteng freshmen, mga kaibigan sa kapwa kaibigan. Isa itong tradisyon na bagama’t hindi natin napapasin kung minsan ay malaki ang ginagampanan sa pagunlad natin hindi lamang sa aspeto ng ating kaalaman ngunit pati na rin ng ating katauhan. Nagbibigay ito ng pagkakataon upang makapagiwan tayo ng ating kontribusyon para sa susunod na henerasyon.
Ngayong nakapagtapos na ako sa kolehiyo at papasok na sa mundo ng pagtatatrabaho, babalik muli ako sa pagiging estudyante. Ngunit sa hinaharap, umaasa akong mabigyan muli ako ng pagkakataong maging guro upang maipapamana ko ang aking natutunan sa susunod na henerasyon.
***
Bago ako tuluyang magpaalam nais kong pasalamatan ang mga naging bahagi ng aking buhay dito sa Unibersidad.
Sa mga taga-Facilities Management Office, Security Office, Ed-Tech, STEPS, technicians, janitors, at UST Archives para sa walang sawa nilang pagtulong sa mga operasyon namin sa Varsitarian.
Sa aking mga naging guro na humubog sa aming mga kalaaman at pagkatao.
Sa aking mga kamag-aral sa 4JRN1 para sa ating apat na taon na masayang samahang minsan pinagtibay ng di-pakakaunawan at mga mga group project, ngunit madalas dahil sa ating mga pagsalo-salo sa hapag-kainan at batuhan ng mga papel na eroplano.
Sa aking mga naging kasamahan sa Varsitarian, para sa pagtulong sa aking malinang ang aking kakayahan sa pagsulat at sa marami pang bagay. Hindi ko malilimutan ang lahat ng ating mga pinagsamahan mapa inuman man o mapa extra-editorial events.
Kina ginoong Lito at Felipe para sa inyong patuloy na pag-gabay sa amin sa Varsitarian. Ang inyong patuloy na pagbigay ng inyong mga kritisismo ang nagsisilbing inspirasyon upang mas mapagbuti pa namin ang aming trabaho bilang mga estudyanteng mamahayag.
Sa dalawa kong manunulat, sina Mark at Quinia na ngayon ay may kanya-kanya na ring mga manunulat na kailangang gabayan, para sa pagkakataong ibinigay nila sa akin upang maging guro at estudyante nilang dalawa.