UPANG mapaigting ang pagbibigay ng Katolikong edukasyon, idinagdag ang mga asignaturang Logic, Ethics, at Theology sa curriculum ng UST. Ngunit para sa ilan, naging masyadong mabigat para sa mga estudyante ang tatlong kurso na siyang nagdulot ng pagtawag sa pagtatanggal nito.
Ipinanukala ng dating rektor P. Manuel Arellano, O.P. noong Agosto 1, 1924 ang pagkakaroon ng pangrelihiyong asignatura (Theology) sa Unibersidad, na ituturo isang beses isang linggo ng mga pari. Ito raw ay dahil hindi lahat ng pumapasok sa UST ay may asignaturang relihiyon noong high school.
Taong 1936 naman sa ilalim ng pamumuno ng rektor na si P. Silvestre Sancho, O.P. naging isang mandatory ang pagkuha ng Theology sa kahit na anong kurso sa Unibersidad. Sa mga sumunod na taon, kinakailangang matapos ng bawat mag-aaral ang tatlong yunit ng Theology bawat semestre upang makapagtapos. Sa kabuuan, ang isang mag-aaral ay kinakailangang magtamo ng labinlimang yunit ng Theology.
Ngunit noong taong pang-akademiko 1948-1949, dalawang mag-aaral ng Faculty of Engineering, kasama ng kanilang mga magulang, ang nagreklamo ukol sa pagkakaroon nila ng mga asignaturang Logic at Ethics bukod pa sa Theology.
Ipinaliwanag noon ni Norberto de Ramos, dating registrar ng Unibersidad, sa kaniyang libro na kasama sa curriculum ang mga asignaturang ito upang maiwasan ang pagiging “uneducated specialists” ng mga mag-aaral.
Ang terminong uneducated specialists ay tumutukoy sa mga mag-aaral na labis ang pagbibigay halaga sa mga specialized courses kaya naman naisasangtabi ang mga general subjects. Dahil dito, napagpasyahan ng Unibersidad na ilagay ang mga general subjects sa lahat ng kurso, kasama rito ang mga asignaturang Logic, Ethics, at Theology.
Ayon kay P. Juan Labrador, O.P. sa kanyang inaugural speech noong 1961, ang misyon ng Unibersidad ay hindi lamang upang magturo kundi upang hubugin din ang mga kabataan na mapalapit sa Diyos.
Dagdag pa rito, alinsunod sa utos ng rektor P. Jesus Castañon, O.P. noong Hunyo 24, 1954, nagpalabas ng paunawang-liham si P. Francisco Villacorta, O.P., punong kalhim ng Unibersidad, na nagtatawag ng mga mag-aaral na sumali sa Catholic Action, isang grupo ng mga mag-aaral na nagtuturo ng relihiyon sa mga pampublikong paaralan.
Bago pa man naganap ang Ikalawang Digmaan Pandaigdig, ang mga asignaturang Logic, Ethics at Theology ay ipinatutupad na sa Unibersidad.
Bagaman nakadaragdag sa yunit at matrikula ng mga mag-aaral, nananatili pa rin ang mga asignaturang ito sa lahat ng kurso sa Unibersidad.
Sa kasalukuyan, may limang asignatura ng Theology ang kasama curriculum ng Unibersidad: contextualized salvation history, church and sacraments, christian ethics, social teachings of the church, at marriage and family.
Tomasino Siya
Isang mambabatas, bar topnotcher, pulitiko, at higit sa lahat, isang Tomasino. Siya si Emmanuel Pelaez, ikalimang pangalawang pangulo ng ikatlong Republika ng Pilipinas at ikaapat na Tomasinong pangalawang pangulo ng bansa.
Tubong Misamis Oriental, nag-aral si Pelaez sa Faculty of Civil Law at naging dating katulong na patnugot ng seksyong Alumni ng Varsitarian. Ngunit nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Maynila noong 1938 at sa taon ding iyon pinangunahan ang bar exams.
Naging kongresista si Pelaez ng Misamis Oriental mula 1949 hanggang 1953 at senador mula 1953 hanggang 1960 bago nanalo bilang pangalawang pangulo sa ilalim ng administrasyon ni Diosdado Macapagal na isa ring Tomasino. Naging kalihim din si Pelaez ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (Department of Foreign Affairs) kasabay ng kanyang pagiging pangalawang pangulo ngunit nagbitiw siya rito noong 1963.
Matapos ang kaniyang termino bilang pangalawang pangulo, nanilbihan siyang muli bilang kongresista at senador. Siya rin ay naging miyembro ng Philippine Panel, na nakipagnegosasyon sa Amerika kaugnay sa mga base militar ng Pilipinas. Ito ang ikalawang beses niyang manilbihan sa panel, matapos maging tagapagsalita nito noong 1956. Noong 1978, siya ay naging kongresista ng interim Batasang Pambansa. Pinangunahan ni Pelaez ang Cadang-Cadang Research Foundation of the Philippines, Inc., ang kauna-unahang Filipino scientific research foundation na pinondohan ng gobyerno at ng pribadong sektor upang mapangalagaan ang industriya ng niyog mula sa cadang-cadang, isang sakit ng punong niyog. Tinawag siyang “Father of Rural Electrification” dahil siya ang umupong puno ng Rural Electrification Commission at naging ambassador ng Pilipinas sa Estados Unidos noong panahon ng dating pangulong Corazon Aquino.
Pumanaw si Pelaez noong Hulyo 27, 2003 dahil sa cardiac arrest sa edad na 87. Patricia Isabela B. Evangelista
Tomasalitaan:
Tsa-wos (png)- pagsasaya
Halimbawa: Isang tsawos ang gaganapin sa liwasan matapos manalo ang koponan ng barangay sa liga ng basketbol.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian: Tomo XII, Blg. 12, Enero 16, 1939
De Ramos, N. V. I Walked With Twelve UST Rectors. Central Professional Books, Inc, 2000