BASTA Tomasino, bukas ang mga pahina ng Varsitarian sa opinyon mo.

Nabigyan ng pagkakataon noon ang lahat ng mga sektor ng Unibersidad na ibahagi ang kanilang mga opinyon sa pamamagitan ng isang seksyon sa Varsitarian na tinawag na “Cross Section.”

Nagsimula noong 1969 sa ilalim ng pamumuno ng punong patnugot na si Hernando Gonzalez II, ang Cross Section ay naglalaman ng mga opinyon at impormasyon sa mga paksang hindi batid ng marami na nais ipalathala ng mga Tomasinong guro, mag-aaral, at mga pari.

Ipinagkaloob ng Varsitarian ang bahaging ito upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga Tomasino, hindi lamang ang mga bumubuo sa pahayagan, na maibahagi ang kanilang saloobin sa iba’t ibang napapanahong isyu noon. Ang mga opisyal ng Varsitarian ang namimili ng artikulong ilalathala linggu-linggo sa bahaging ito, kaakibat ng paalala na anumang artikulo sa Cross Section ay hindi nangangahulugan na pagpanig o pagsang-ayon ng pahayagan o ng Unibersidad.

Ang unang Cross Section ay inilimbag noong ika-30 ng Setyembre 1969 (Tomo 41, Bilang 18) sa panulat ni Josephine Acosta, propesor ng Faculty of Arts and Letters (Artlets). Ang kaniyang artikulong pinamagatang “Boycott, anyone?,” isang mapanuring tugon na isinulat ni Antonio Lopez, dating tagapamahalang patnugot ng Varsitarian, tungkol sa hindi pagsuporta ng mga guro ng Artlets sa nalalapit na pambansang eleksyon.

Sinundan ito ng ikalawang artikulo ni Acosta sa Varsitarian na lumabas noong ika-7 ng Oktubre 1969 (Tomo 41, Bilang 19).

Sa sumunod na isyu noong ika-5 ng Nobyembre 1969 kung saan tampok ang balitang tungkol sa pambansang halalan, tatlong artikulo ang inilathala sa ilalim ng Cross Section mula sa mga guro ng Artlets na sina Felix Bautista, na siyang nagbahagi ng pangkalahatang-ideya tungkol sa Pambansang Eleksyon ’69, at Ma. Cristina Pantoja na nagbahagi ng pag-aaral tungkol sa poll violence. Ang ikatlong artikulo naman ay tungkol sa paghingi ng pagbabago sa faculty club constituion ng Unibersidad ni Crispin Llamado Jr., propesor sa College of Commerce and Business Administration.

READ
Pagbabalik tanaw

Ang Cross Section ay tumagal ng halos tatlong taon sa Varsitarian at huling lumabas noong ika-15 ng Setyembre 1972 (Tomo 44, Bilang 7) sa pamumuno ng punong patnugot na si Ma. Corazon Evangelista.

Sa kasalukuyan, ang Varsitarian, sa ilalim ng “Guest Column” ay naglalathala ng mga opinyon at impormasyon mula sa mga opisyal at guro ng Unibersidad.

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasino ang nasa likod ng isang sikat na tabloid sa bansa?

Tinaguriang “Father of the Philippine tabloid journalism,” si Alfonso Pedroche o mas kilala sa pangalang Al Pedroche. Siya ay nag-aral noong 1970 sa dating College of Architecture and Fine Arts.

Bagaman hindi nakapagtapos, kaniyang ipinagpatuloy ang bokasyon sa pamamagitan ng panunugkulan sa National Media Production Center (NMPC) na dating pinamamahalaan ng kaniyang ama na si Conrado Pedroche, isang sikat na manunulat.

Dito siya nagsimula bilang isang TV prop designer saka naging junior producer at announcer.

Si Pedroche ay nag-ulat para sa Radio-TV Malaysia at Radio Netherlands noong 1971 at 1978.

Ginugol ni Pedroche ang kaniyang mga unang taon sa pagiging manunulat ng mga pangyayari sa Malacañang para sa ‘‘Ang Pilipino Ngayon’’ na kasalukuyang ‘‘Pilipino Star Ngayon,’’ noong huling pitong taon ni Ferdinand Marcos hanggang sa pamumuno ng dating pangulong Fidel Ramos, kung saan siya’y naging tagapamahalang patnugot ng pahayagan. Dahil sa haba ng taon ng kaniyang pag-uulat sa mga naging pangulo ng bansa, siya ay tinaguriang “Dean of Malacañang Reporters.”

Matapos ang mahigit 17 na taon na pagiging manunulat sa pahayagan, siya ay naging punong patnugot ng Pilipino Star Ngayon hanggang sa kasalukuyan.

READ
Inducing happiness

Kilala si Pedroche sa kaniyang “Litra-talks,” isang serye ng larawan ng mga politiko na may kasamang karikatura at puna tungkol sa mga kontrobersiya sa bansa.

Noong 2010, inihandog ng National Press Club of the Philippines kay Pedroche ang Lifetime Achievement Award para sa kaniyang mga naging ambag sa larangan ng pamamahayag.

Tomasalitaan

Tiyagew (png)—tag-araw

Si RJ ay pawis na pawis na dumating sa klase dahil sa alinsangan na dala ng panahon ng tiyagew.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo XLI Blg. 18, ika-30 ng Setyember 1969

The Varsitarian: Tomo XLI Blg. 19, ika-7 ng Oktubre 1969

The Varsitarian: Tomo XLIV Blg. 7, ika-15 ng Setyembre 1972

http://pcoo.gov.ph/media_dir.htm

http://www.bcbp-phil.com/?p=3575

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.