SA PAGHAGUPIT ng habagat kamakailan, marami ang nakaalala sa trahedyang idinulot ng bagyong Ondoy noong 2009 kung kailan katumbas ng isang buwang dami ng ulan ang ibinagsak sa loob lamang ng anim na oras. Sa Unibersidad, matatandaan na noo’y nagsanhi ang mapaminsalang bagyo ng pagkakakulong ng halos 3,000 mag-aaral sa campus at puminsala sa tinatayang kalahating milyong ari-arian at imprastruktura ng UST.
Dahil sa karanasang ito, gumawa ng mga hakbang at patakaran ang pamunuan ng Unibersidad upang tugunan ang mga pagbabanta ng kalamidad. Isa sa mga hakbang na ipinapatupad na ngayon ay ang “two-hour rule” o ang sapilitang pagpapalikas sa mga Tomasino na nasa loob ng campus dalawang oras matapos ang anunsiyo ng kanselasyon ng klase at pasok sa mga opisina. Ito ay upang maiwasang maulit ang pagkakakulong ng mga mag-aaral at empleyado sa UST.
Kung hindi naman kakayaning lisanin ng mga Tomasino ang campus dahil sa mataas na pagbaha, magsisilbing evacuation area ang Tan Yan Kee Student Center.
Gayunpaman, masigasig man ang pamunuan ng UST sa pagpapaunlad ng sarili nitong mga alituntuning pangkaligtasan sa mga oras ng sakuna, hindi naman nakikiayon sa kanila ang iba‘t ibang salik sa paligid ng Unibersidad.
Taun-taon nang nararanasan ang pagbaha sa Kamaynilaan tuwing tag-ulan, sa kabila ng taun-taon ding pagpapataas ng mga kalsada’t pagpapaunlad umano ng drainage system. Ramdam na ramdam ng mga Manileño ang mga proyektong ito, hindi dahil sa pagresolba ng mga ito sa problema ng pagbabaha, kundi dahil sa dulot nitong paninikip sa daloy ng trapiko sa maliliit na ngang kalsada ng Maynila.
Ang masama pa, habang pataas nang pataas ang mga kalsada sa paligid ng UST, pababa naman nang pababa ang bilang ng pagkakataong mapaunlad ang edukasyon ng mga mag-aaral dahil sa pagkakaantala ng mga klase dulot ng pagbaha.
Ngunit, kahit ano pa ang sabihin ng ilan, pangunahin pa ring siyudad ng Pilipinas ang Maynila—ang kinatatayuan ng UST—sa diwa ng kasaysayan, ng pamahalaan, at maging ng komersiyo kaya’t nararapat lamang na ayusin ang pamamalakad dito. Hindi katanggap-tanggap na sabihing bahaing lugar talaga ang Maynila at tumigil na lang doon. Ang gobyernong magsasabi nang ganoon ay mailalarawan lamang sa iisang salita: palpak!
Ilang eksperto na ang nagpahiwatig na depektibo ang urban planning sa Kamaynilaan.
Sa Sampaloc, kapuna-puna ang kabi-kabilang pagpapatayo ng matatayog na gusali na unti-unting sumisira sa tanawin sa lungsod. Hindi lang tanawin, pinasisikip din ng mga tila kabuteng gusali ang espasyo sa Maynila. Ano ang mali dito? Tila walang ibang nasa isip ang mga nasa poder kundi ang pagbibigay ng permiso sa pagpapatayo ng mga imprastruktura.
Halimbawa, ang tinutuligsang pagpapatayo ng flyover sa Lacson Avenue, maigting ang paggiit ng gobyerno sa pagsasakatuparan sa planong ito samantalang isinasantabi ang kinakailangang pagtugon sa krisis ng pagbabaha. Sa halip na flyover ang pagkagastusan, bakit hindi na lang ang pagbubuo ng isang flood control system ang pagkaabalahan ng gobyerno? Posible naman ito, kung tutuusin. Sa Kuala Lumpur sa bansang Malaysia, mayroon silang SMART Tunnel o Stormwater Management and Road Tunnel na nagsisilbing lagusan ng tubig-baha. Sa Pilipinas naman, matatagpuan ang ang isang cistern sa Fort Bonifacio upang maging pansamantalang imbakan ng tubig para maiwasan ang pagbaha.
Sa mga ganitong layunin, tila walang konkretong blue print ang Department of Public Works and Highways DPWH upang matugunan ang taunang pinsala ng pagbabaha.
Bakas din ang kakulangan ng political will ng pamahalaan upang disiplinahin ang mga mamamayan ukol sa tamang pagtatapon ng basura, na pangunahin namang dahilan ng pagbabara ng mga estero at kanal.
Tunay na walang may kagustuhan na mangyari nang paulit-ulit ang delubyo. Ngunit isisisi na lang ba natin sa kalikasan ang mga dulot ng sakunang tayo-tayo rin ang gumagawa?