MAPA-LUPA man o mapa-himpapawid, kayang-kayang magbigay ng kaalaman ng Unibersidad.
Noong Disyembre 1933, bago pa ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, unang ipinahayag sa Varsitarian ni Fr. Juan Labrador, dating secretary-general, ang pagbubukas ng isang kurso sa pagmimina.
Binuo ni Labrador ang isang komite upang gawin at suriin ang kurikulum ng naturang kurso na hango sa mga unibersidad sa Amerika at Europa.
Matapos itong ianunsiyo sa publiko, marami ang humingi ng catalogues ng programa at binalak na ito ang kuning kurso sa kolehiyo.
Noong Mayo 1934, opisyal na binuksan ang Bachelor of Science Major in Mining sa College of Engineering kung saan nilalayon nitong turuan at hubugin ang isang mag-aaral sa loob ng apat na taon sa teoretikal at praktikal na aspeto ng pagmimina.
Ilan sa mga asignaturang kabilang sa programa ay ore testing, mineralogy, at structural geology.
Ang Unibersidad ang unang nagbukas ng naturang kurso sa bansa. Kaunti lamang din noon sa mundo ang mayroong ganitong kurso sa mga paaralan.
Pagsapit ng Hulyo, nagkaroon ng 36 na mag-aaral sa pagmimina. Ang mga mag-aaral na hindi nakapasa sa isinagawang pagsusulit ay maaaring kumuha ng review course bilang paghahanda sa susunod na pagsubok ng pagpasok.
Samantala, noong Hulyo 1940, hinikayat ni Allan Wayne, promoter ng dating AFESA aviator sa Makati, ang mga Tomasinong sumali sa binuo niyang “Flying Club” sa Unibersidad.
“Santo Tomas is not a passive onlooker in this amazingly changing world. It has opened courses that meet the demands of the times,” ani Wayne sa Varsitarian.
Maliban pa rito, sinabi rin niya na kilala ang ganitong libangan sa Amerika.
Ang unang Tomasinong sumali sa Flying Club ay si Conchita Liboro mula sa dating Faculty of Philosophy and Letters (Faculty of Arts and Letters sa kasalukuyan).
Matapos ang ilang linggo, 40 na mag-aaral ang naging mga miyembro nito.
Sa isang dating pahayag sa Varsitarian, isa sa mga hindi malilimutan na nangyari sa naturang samahan ay ang pagsakay ng mga miyembro sa eroplano at ang pagpapalipad ni Lourdes Syquia, isang mag-aaral ng Journalism, na gumawa ng loop-the-loop flight.
Tomasino siya
Alam n’yo ba na isang Tomasino ang patuloy na kinikilala sa larangan ng musika?
Ayon kay Gerry de Leon, kompositor ng awiting “Ako ay Isang Tomasino,” na nagwagi sa Quadricentennial Songwriting Contest noong 2011, muntik na siyang hindi makasali sa nasabing patimpalak dahil ang kaniyang mga gamit ay nasalanta sa kasagsagan ng bagyong Ondoy. Ngunit dahil sa paghihikayat ng isang kamag-anak, naipagpatuloy niya ang pagsali sa patimpalak.
“Parang mahirap lumikha ng isang awiting kung ang iyong tahanan at paligid ay magulo at hindi pa naibabalik sa dating ayos,” ani De Leon sa Varsitarian.
Nagtapos ng kursong Industrial Engineering sa Unibersidad noong 1980, lalong napamahal si De Leon sa pagsusulat ng mga kanta nang sumali sa isang koro sa simbahan noong 1986 sa Sta. Maria, Bulacan.
“Nabigyan ako rito ng pagkakataong mag-areglo ng mga piyesa sa choir at napilitan akong kumuha ng crash course sa Music Theory,” aniya.
Nanalo rin si De Leon sa ibang patimpalak ng pagsulat ng mga kanta. Nakamit niya ang unang gantimpala sa kategoryang awit ng Gawad Ka Amado V. Hernandez Pambansang Patimpalak sa Panitikan para sa kaniyang awiting “Isang Kundiman” noong 2005.
Sinabi ni De Leon na noon ay unti-unti na siyang napatigil sa pagsusulat ng mga kanta dahil isang libangan lamang ito para sa kaniya. Ngunit simula nang mauso ang paglalagay ng videos sa YouTube, bumalik muli ang sigla niya sa pagsusulat. Sa naturang website din nakilala ni De Leon ang “Filipino Tenors,” isang bagong grupo ng mga kalalakihang kumakanta ng mga kundiman.
“Napansin nila ang mga komposisyon ko [sa YouTube] at sa kauna-unahan [nilang] CD ay talo agad sa aking mga komposisyon ang isinama nila sa kanilang launching album,” aniya.
Sa kasalukuyan, abala si De Leon sa kaniyang itinatag na “Pamanang Kundiman” sa kanilang bayan, kung saan hinahasa ang mga batang mang-aawit o ang binansagang “K-kids” (kundiman kids) na umawit ng makalumang awiting Pilipino. Ang mg ensayo ay isinasagawa sa kaniyang bahay.
“Sa aming bayan nanggaling sina Francisco Santiago at Jose Corazon de Jesus, kaya’t naging pangunahing layunin namin na buhayin ang kanilang mga obra at ituro ito sa kabataan.” Elora Joselle F. Cangco
Tomasalitaan
Himagal—sahod; kita
Hal.: Ang kaniyang natatanggap na himagal ay kulang pa para tustusan ang pag-aaral ng tatlo niyang kapatid sa elemetarya.