PITONG Tomasino ang naging topnotcher habang nagtala naman ang Unibersidad ng matataas na marka sa nakalipas na Nutrition and Dietetics, Physical Therapy (PT) at Occupational Therapy (OT) licensure examinations.
Itinanghal bilang tanging top-performing school ang UST sa PT board exam matapos itong makakuha ng 91.74 percent passing rate, katumbas ng 100 Tomasinong nakapasa mula sa 109 na kumuha ng pagsusulit, ayon sa datos na inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC).
Bahagyang mas mababa ito kumpara sa 95.74 percent o 45 na pumasa mula sa 47 na kumuha ng pagsusulit noong nakaraang taon.
Pang apat ang Tomasinong si Perry Neil Lee (86.05 percent) sa listahan ng 10 nakakuha ng pinakamatataas na marka sa pagsusulit, habang nasa ikawalong puwesto naman si Monique Galinato Ilagan (84.95 percent).
Ayon kay Donald Manlapaz, kalihim ng College of Rehabilitation Sciences, nagsagawa ng pananaliksik ang kolehiyo upang matukoy at maiwasan ang mga posibleng dahilan ng hindi pagpasa ng mga estudyante sa board exams.
“Nakita namin na dapat mas bigyang diin ang professional subjects, revalida (pagsusulit bago makapagtapos) at maging general education subjects, para mapanatili ang antas na top-performing school ng Unibersidad,” ani Manlapaz sa isang panayam sa Varsitarian.
Nagtala rin ng mas mataas na passing rate ang UST sa OT board exam, kung saan limang Tomasino ang nakapasok sa listahan ng 10 nanguna sa pagsusulit. 65.52 percent ang naitalang passing rate o katumbas ng 38 Tomasinong nakapasa mula sa 58 kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 58.33 percent o 28 na pumasa mula sa 48 kumuha ng pagsusulit noong 2013.
Nasa pangalawang puwesto si Paolo Pimentel (82.20 percent), pangatlo si Kristen Zaira Morales (81.80 percent), pang-apat si Kevin Matthew Solis (81.60 percent), pang-walo si Danielle Marie Bianca Racela (80.40 percent), at pang-sampu naman si Nicole Marie Locsin (80 percent).
Nabigong makapasok ang UST sa listahan ng top-performing schools.
Tumaas ang national passing rate ng PT board exam sa 58.47 percent o 511 na pumasa mula sa 874 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 52.28 percent noong nakaraang taon. Gayundin sa OT licensure exam, kung saan umakyat ang passing rate sa 57.06 percent o 93 na pumasa mula sa 874 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 42.67 percent noong 2013.
Samantala, pumangalawang muli ang Unibersidad sa listahan ng top-performing schools sa Nutritionist-Dietitian licensure exam, ngunit walang Tomasinong nakapasok sa listahan ng 10 nanguna sa pagsusulit.
Nagtala ang UST ng 90.53 percent passing rate o katumbas ng 86 na Tomasinong pumasa mula sa 95 kumuha ng pagsusulit. Bahagyang mas mababa ito sa 95.12 percent, katumbas ng 78 na pumasa mula sa 82 na kumuha ng pagsusulit, noong 2013.
Bahagyang bumaba ang national passing rate sa 63.59 percent o 634 na pumasa mula sa 997 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 64.36 percent noong nakaraang taon.
Kailangan ng 80 percent passing rate pataas at 50 o mahigit na estudyanteng kumuha ng pagsusulit para sa PT at Nutrition board exams, at 80 percent pataas at 15 o mahigit na estudyante naman para sa OT, upang ma-ideklarang top-performing school ng PRC. Dayanara T. Cudal at Roberto A. Vergara, Jr.