MULA 1762-1764, napilitan ang Unibersidad na pansamantalang itigil ang mga pang-akademikong gawain nito nang pinilit ng mga mananakop na Inglatera na kamkamin ang Maynila.

Sumailalim sa mabigat na pagsubok ang Unibersidad nang sakupin ng mga Briton ang Filipinas matapos ang Pitong Taong Digmaan.

Noong Oktubre 1762, nilusob ng Iglatera ang Filipinas.Walang habas ang Britanya sa pagwasak at paglapastangan sa mga simbahan sa Intramuros kabilang na ang Simbahan ng Santo Domingo kung saan idinaraos ang mga mahahalagang tradisyon at pagdiriwang ng Unibersidad tulad ng pagtatapos.

Dagdag pa rito, pinagpapaslang rin ng mga Briton ang mga taong nagsisimba at winasak ang mahahalagang kagamitan ng simbahan gaya ng imahen ng Santisimo Rosario.

‘Di kalaunan, nagbunga ang sunod-sunod na paglusob ng mga Briton sa pagkaparalisa ng mga kalakalan at institusyon sa Maynila lalo na ang mga aktibidad ng Unibersidad.

Natigil ang klase sa Unibersidad nang gawing kuwartel ng mga sundalong Ingles ang mga gusali at pasilidad nito.

Sa kabila ng suliraning ito, pilit humanap ng paraan ang Unibersidad na maipagpatuloy ang mga gawain nito sa pamamagitan ng paglipat sa mga propesor at mag-aaral sa hasyendang pagmamay-ari ng mga Dominikano sa baranggay ng Balite sa bayan ng Calumpit at sa bayan ng Pandi, Bulacan.

Gayunpaman, hindi nagtagal at muling naharap sa pagsubok ang Unibersidad nang sumugod ang mga rebeldeng nagnanais angkinin ang lupain ng mga Dominikano at paslangin ang Dominikong hermano na namamahala ng hasyenda.

Dahil sa mga naganap na paglusob ng mga tulisan sa mga hasyenda, naging lubos nang mapanganib para sa mga propesor at mag-aaral na ipagpatuloy pa ang aralin sa hasyenda.

READ
In terror's grip

Makalipas ang dalawang taong pananatili sa bansa, nagtapos ang pananakop ng Britanya nang pormal na lagdaan ang Treaty of Paris na siya ring tumapos sa Pitong Taong Digmaan noong 1763.

Taong 1764, tuluyan nang nilisan ng mga Ingles ang Maynila upang ibalik ang pamamalakad sa Espanya alinsunod sa kasunduan na kanilang nilagdaan.

Upang hindi na muling maharap sa matinding suliranin, ipinagkaloob ni Haring Carlos III ang titulong “Royal University” sa Unibersidad noong 1785 na nagpapasailalim dito sa proteksyon ng Espanya.

Tomasino siya

Alam niyo ba na isang Tomasino ang utak sa likod ng mga matatayog at matatatag na istruktura sa bansa?

Si Cesar Canchela, nagtapos ng kursong BS Architecture sa Unibersidad noong 1949, ay kinilala bilang nasa likod ng pagkabuo ng isang prosesong pang-arkitektural tinawag na “Canchela Shelter Components and Stacking Process,” paraang higit na mabilis at abot kayang pagpapatatayo ng mga gusali.

Ayon kay Canchela, ang pagkawasak ng mga makasaysayang gusali sa Filipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang nag-udyok sa kaniya na pasukin ang mundo ng arkitektura at umisip ng paraan upang higit na mapatibay ang kaniyang mga gawa at maiwasang maulit ang sinapit ng mga mahahalagang istruktura sa bansa.

Bukod pa rito, kilala rin si Canchela sa commercial and insitutional buildings sa bansa at sa kaniyang mga naiambag sa larangan ng architectural design, technology and building management.

Patunay sa larangang ito ang humigit-kumulang 30 mga gusali ng kaniyang husay sa pagdesenyo ng mga nito. Matatagpuan ang karamihan sa kaniyang mga dinisenyo sa Maynila tulad ng Metropolitan Hospital, Polymedic General Hospital at ang 1,664-unit NHA-Vitas Medium Rise Socialized Housing Project na nasa Tondo. Habang ang ilan naman ay nasa probinsya gaya ng University of Nueva Caceres sa Naga City, Camarines Sur at marami pang iba.

READ
Book review: 'The Science of God'

Kilala rin siya sa pagtatag ng design and construction of buildings na asignaturang maghihiwalay sa arkitektura bilang ekslusibong dominyon o kadalubhasaan ng mga arkitekto. Dahil dito, mas naging maayos ang kurikulum para sa kursong Architecture at hindi na naihahalo sa iba pang kursong teknikal na kumukuha ng specialty boards tulad ng civil engineering, interior design at landscape architecuture.

Noong 1975, itinaguyod niya ang United Architects of the Philippines (UAP) kung saan siya ang tumayong pangulo mula 1985 hanggang 1986 at pangalawang pangulo naman mula 1975 hanggang 1980.

Sa pamamagitan ng pagkaluklok niya sa iba’t ibang posisyon sa organisasyon, nakabilang siya sa mga nagsulat ng Architects’ National Code na naglalaman ng mga regulasyon na dapat sundin ng mga arkitekto sa bansa.

Sa kaniyang kahusayan, tinanggap ni Canchela ang Most Outstanding Professional of the Year in the field of Architecture ng Professional Regulations Commission (PRC) noong 2007.

Sa kasalukuyan, miyembro si Canchela ng Filipino Inventors Society at nananatiling pinuno ng mga komite ng UAP. kimberly joy v. naparan

Tomasalitaan:

Duyo (PNG) – pinakamahalagang panig ng simbahan o bulwagan na karaniwang nasa dulo

Hal.: Nangangamba si Padre Alfonso na baka bumigay na ang lumang duyo kaya naman agad niyang iniatas ang pagkukumpuni rito.

Mga Sanggunian:

Villarroel, Fidel (2012). A History of the University of Santo Tomas: Four Centuries Of Higher Education In The Philippines, 1611-2011 (Vol. I) Manila: UST Publishing House.

Duka, Cecilio (2008).Struggle for Freedom: A Textbook on Philippine History

British Conquest of Manila. Nakuha mula sa http://malacanang.gov.ph/the-british-conquest-of-manila/

2004. TOTAL Awards 2014 Souvenir Program

Canchela, C. V. Nakuha mula sa http://www.zoominfo.com/p/Cesar-Canchela/ 28006994

READ
Malabong batas laban sa paninigarilyo

(1992). Building Houses for the Poor: A Souce Book on Low-Income Housing Programs, Strategies, Technologies and Designs. Manila: Small Enterprises Research and Development Foundation

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.