Rector Fr. Richard Ang, O.P. presides over the Welcome Mass during the morning session of the welcome rites on Monday, Aug. 5, at the Quadricentennial Pavilion.

TINIYAK ni Rektor P. Richard Ang, O.P. na hindi nag-iisa ang mga freshman sa kanilang paglalakbay sa UST dahil sila ay kabilang na sa isang “buháy at masiglang komunidad,” sa Thomasian Welcome Mass noong ika-5 ng Agosto. 

Sa kaniyang homiliya noong umaga ng welcome rites na dinaluhan ng nasa 5,000 na Tomasinong freshmen, binigyang diin ni Ang ang kahalagahan ng pakikisalamuha sa komunidad lalo sa pagtahak ng bagong landas, katulad ng pagtungtong sa kolehiyo. 

“Isang malaking adjustment at pagbabago ang pagsisimula…pero hindi kayo nagsisimulang mag-isa,” wika niya. “May kasama at kasalo kayo sa lahat ng bagay. Kaya maniwala kayo, magiging maayos ang lahat.”

“Nagkakaroon lamang ng kahulugan at kulay ang buhay sa ating pakikipag-ugnayan sa kapwa. Hindi maaaring lumaki kayo nang mag-isa,” dagdag pa niya. “Ang bawat isa ay may maiaambag na talino at talento na magpapayaman sa ating komunidad.”

Inalala rin ni Ang ang kaniyang mga karanasan bilang freshman sa Fakultad ng Sining at Panitik at pinayuhan ang mga bagong Tomasino na huwag mangamba o magkaroon ng agam-agam. 

Ayon pa sa kaniya, ang nagbigay-dangal at kulay sa UST sa lagpas apat na siglo ay ang mga mag-aaral nito na nagmula sa samu’t saring uri ng pamumuhay. 

“Kakayanin niyo ba ang inyong piniling kurso? Makakasabay ba kayo sa inyong mga classmates? Makakasunod ba kayo sa mga panuntunan? ‘Wag na ninyong problemahin ‘yan. You just discover it along the way,” giit niya. 

“Ang pagsasama-sama ng iba’t ibang uri ng mga tao rito sa kampus ang nakapagbibigay ng kakaibang karakter sa University of Santo Tomas. Ito ang nagpaparangal sa 413 gulang na Unibersidad na kailanman ay hindi tumatanda.” 

Mahigit 12,000 na freshmen ang pumasok sa UST sa Taong Akademiko 2024-2025, halos kaparehas ng bilang ng naitalang freshmen noong nakaraang taon.

Sinundan ang Welcome Mass ng “ROARientation” at Welcome Walk, kung saan pumasok ang mga freshman sa Arch of the Centuries, ang portal ng orihinal na kampus ng UST sa Intramuros na inilipat sa Sampaloc matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Isasagawa ang Thomasian Welcome Party ika-6 ng Agosto sa Quadricentennial Pavilion. A.L.A. Rivera at S.V.B. Berba

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.