NAALIMPUNGATAN sa duyan ng pagkakahimbing ang mga peryodistang Filipino sa harap ng unti-unting pagkakatawangtao ng mga bangungot ng batas-militar.
Naulinigan ang lumang tutugtugin ng karahasan; mga pananamantala sa ilalim ng kamay na bakal, kawalang katarungan ng pagkakapaslang ng maraming kabataan sa mandato ng ‘di-makataong pakikidigma kontra-droga. Bukod pa ang mga ito sa ilang beses na pagpaparamdam ng pamahalaan na handa nitong ipasailalim ang bansa sa diktaturyang ikinukubli lamang sa iba’t ibang ngalan at tayutay.
Sa likod ng anino ng awtokrasiyang Duterte, nanatiling nakikipagbuno ang buhay at malayang pamamahayag sa bansa.
Gayunpaman, marahil bunga ng angkin nitong kapangyarihang ipagtanggol ang demokrasya, masikap na gumagawa ng paraan ang administrasyon upang supilin ang ugat ng lakas nito.
Unang biktima ng nasabing pagsikil ang Rappler.com nang tahasang pinaimbestigahan ni Solicitor General Jose Calida ang Philippine Depositary Receipts (PDR) ng ahensiyang pambalita sa Security and Exchanges Commission (SEC) noong Disyembre 2016.
Ang PDR ay isang dokumentong pinansiyal na naglalaman ng mga probisyon hinggil sa dayuhang
pagmamay-ari ng isang kompanya kaakibat ng mga karapatan nitong makisama sa pang-araw-araw nitong operasyon.
Sa punto de vista ni Calida at ng SEC, lumabag ang Rappler Holdings Corporation sa Anti-Dummy Law. Itinuturo nila ang probisyong nagsasaad na “not to, without prior good faith discussions on PDR holders and without approval of PDR holders holding at least two thirds (2/3s) of all issued and outstanding PDRs, alter, modify or otherwise change Articles of Incorporation or By-laws or take any other action where such alterations, modifications, change or action will prejudice the rights in relation to the PDRs” kung saan iginigiit nila ang interpretasiyong mayroong direktang kontrol ang Omidyar Network, isang malaking investor ng Rappler, sa mga editoryal nitong proseso.
Ayon sa Rappler, hindi kailanman nagkaroon ng bahagi o gampanin ang Omidyar sa kanilang pangaraw-araw na gawain.
Tanging ang mga manunulat at patnugot lamang nito ang kumikilos at nagpapatakbo ng nilalaman ng kanilang website.
Hanggang noong nakaraang Hulyo, patuloy ang pagsisiyasat na ito ng SEC habang walang kamalaymalay
ang pamunuan ng Rappler sa kakaharapin nilang unos. Masasabi ring malayo sa pagiging inosente ang
ganitong hakbang sapagkat si Pangulong Duterte na mismo ang nagparamdam ng kaniyang poot sa Rappler sa pamamagitan ng pagbanggit dito sa kaniyang nakaraang State of the Nation Address.
Matatandaang malimit maging kritikal ang Rappler sa mga kilos ng administrasyon sa pamamagitan ng kanilang mga inilalabas na artikulong tumataliwas sa daang tinatahak ng pamunuan ni Duterte at kaniyang mga kaalyado.
Madalas nitong batikusin ang malawakang dahas ng Oplan Tokhang noon. Matatandaang naglabas din sila ng “Impunity Series”noong Hulyo 25 na naglalaman ng mga kahindik-hindik na salaysay ng pagpaslang na kabi-kabilang nangyayari sa lansangan.
Samakatwid, isang malinaw na pagkitil sa karapatan sa malayang pamamahayag ang pagbawi ng SEC ng kanilang lisensiya upang magpatuloy sa industriya. Kung pagtatagnitagniin ang mga pangyayari, hindi man lamang binigyan ang Rappler ng sapat na oras at pagkakataon upang isaayos ang anomang dokumentong kinakikitaan ng anomalya.
Dagdag pa rito, maaaring itanong ng mga mamamayan kung bakit ngayon lamang lumitaw ang ganitong uri ng suliranin kung napakaraming korporasyon sa bansa ang mayroong dayuhang koneksiyong pampinansiyal?
Rappler lamang ba ang nagkakamali (kung mapapatunayan) sa ganitong mga proseso?
Napag-initan man o hindi, isa itong malaking usapin ng pagsupil sa malayang pamamahayag. Halatang hinanapan lamang ng butas ni Calida at ng mga nag-uudyok sa kaniya ang pagmamayari ng Rappler upang mapilayan ang pagpapatakbo nito. Sapagkat malaki ang gampanin ng media ownership at investment sa operasiyon ngbawat pahayagan, madaling isipin na ito rin ang kahinaang pinupuntirya ng mga kalaban ng demokrasya.
Nakababagabag ang ganitong paglihis ng mga pangyayari sapagkat kung sino pa ang nagiging mata at bibig ng mamamayan sa pamamagitan ng makatotohanang pagbabalita ay sila pang pinipiringan at binubusalan.
Sa kabilang banda, kung sino naman ang walang habas na nagpapakalat ng huwad na impormasyon ay siya pang tinatangkilik ng mga awtoridad na silang dapat pumoprotekta sa mga mamamayan.
Dapat ituwid ng SEC at ng iba pang ahensya ng pamahalaan ang kanilang moralidad at ituon sa kahabag-habag na mga Filipino ang kanilang mga ipinaglalaban.
Nakapanhihilakbot na ikinikiling nila ang kanilang layunin tungo sa sistemang iisang tao lamang ang makikinabang.
Sa huli, huwag sanang tuluyang makalimot ang mga mamamayan sa mga dahas ng nakaraang apat na dekada. Isa nang malaking pagkakasala ang paglilibing sa isang diktador sa himlayan ng mga magigiting. Huwag na sanang buhayin pa ang kaniyang masasamang alaala sa pamamagitan ng tuluyang pagtikom sa boses ng mga tagapangalaga ng demokrasya.