ISANG propesor mula sa Kolehiyo ng Edukasyon ang nahalal bilang kalihim ng National Committee on Cultural Education, isa sa 19 na sangay ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Si Asst. Prof. Alvin Ringgo Reyes, kalihim ng Kolehiyo ng Edukasyon ang inihalal matapos dumaan sa dalawang proseso ng online voting.
Una, ang pagpili ng mga kinatawan sa geographical cluster, kung saan naging isa siya sa dalawang kinatawan mula sa National Capital Region (NCR) at ikalawa, ang pagboto para sa Executive Council na binubuo lamang ng head, vice head, at kalihim.
Ayon kay Reyes, ikinagulat at ikinatuwa niya ang pagkakahalal, ngunit higit itong nagdulot ng “sense of responsibility” dahil siya ang magiging kinatawan ng buong NCR at magiging bahagi ng pambansang policymaking body para sa cultural education.
“Bukod sa pagkatuwa ay nakaramdam ako ng sense of responsibility o pananagutan dahil kailangan natin katawanin ang buong rehiyon, in particular para sa mga usaping cultural education,” wika ni Reyes sa panayam ng Varsitarian.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-uugat ng edukasyon sa kulturang Pilipino, lalo na sa konteksto ng pag-usbong ng Education 5.0, na gumagamit ng mas komplikadong teknolohiya sa pagkatuto.
“Kailangan nating i-angkla ang mga mamamayang Pilipino sa kaakuhan nila bilang mga Pilipino. At palagay ko ang susi diyan ay ‘yong kanilang kultura. So sisikapin natin na ma-mainstream sa kurikulum kasi [iyan] ang nakikita namin[g] challenge ngayon,” dagdag pa niya.
Isa sa mandato ng komite, aniya, ang paghahain ng rekomendasyon sa Department of Education at Commission on Higher Education (CHEd) upang higit na maipasok ang cultural competencies sa kurikulum.
Tinukoy din niya ang kakulangan ng kulturang perspektiba sa kasalukuyang competency standards, lalo na sa mga asignaturang nananatiling “sobrang teknikal” at hindi gumagamit ng mga katutubong termino o kontekstong Pilipino.
Mahalaga ang pagkakahalal ni Reyes dahil taglay ng UST ang higit apat na siglong yaman ng kultura at ilang National Cultural Treasures, na maaaring magsilbing “madaling tulay” sa mga inisyatiba ng NCCA.
“Hopefully mapag-ugnay ko ang institusyon na aking kinakatawan na kilala sa pagiging mayamang repositoryo ng kultura at itong ahensya na may official na mandate na palaganapin ang ganoong uri ng edukasyon,” wika ni Reyes.
Nagsasagawa ang NCCA ng halalan bawat tatlong taon. Magsisimula ang termino ni Reyes mula Enero 1, 2026 hanggang Disyembre 31, 2028. May ulat ni Mary Dawn S. Santos







