NAGBABALA ang mga eksperto na ang pagkawala ng wika ay nagbubura hindi lamang ng salita kundi ng kaalaman, tradisyon, at identidad ng isang bayan.

“It is not only words that vanish. It is the entire worldview, a way of being, a piece of our identity, that is silenced forever,” pahayag ni Laelani Arocha, guro sa Humanities and Social Sciences ng UST Senior High School, sa “Wikaakuhan 2025” na idinaos noong Ika-22 ng Agosto sa Buenaventura Garcia Paredes, O.P. Building.

Ibinahagi ni Arocha na nagsimula ang kaniyang adbokasiya para katutubong wika bilang pamanang kultural matapos makipamuhay sa mga T’boli ng Lake Sebu.

Nasaksihan niya ang kahinaan ng mga katutubong pamayanan sa harap ng globalisasyon at kolonyal na impluwensiya.

Aniya, ang wika ang pintig ng kultura at taglay nito ang mga alaala ng isang bayan, mula sa karunungan hanggang sa pakikibaka.

Ayon kay Arocha, higit 3,000 sa mahigit 7,000 wika sa buong daigdig ang nanganganib mawala, na karamihan ay katutubo. 

Sa Pilipinas, 59 sa 175 wika ang kabilang sa mga itinuturing na endangered.

Tinukoy rin niya ang apat na pangunahing salik sa pagkalusaw ng wika: kasaysayan, lipunan, institusyon, at henerasyon.

Sa kasaysayan, pinakamalalim umano ang sugat ng kolonyal na mentalidad. Binanggit niya ang pahayag ng dating NCCA chair Felipe de Leon Jr.: “Anything indigenous became a source of embarrassment and uneasiness. We would hide whatever is native sounding or native in origin.”

Sa panlipunang antas, itinuro ni Arocha ang migrasyon, globalisasyon, at modernisasyon bilang dahilan ng paglayo ng kabataan sa sariling wika. 

Dagdag pa niya, lumalaganap ang tinatawag na “language suicide,” kung saan ang mga magulang ang pumipiling huwag ipamana ang sariling wika sa kanilang mga anak. 

“When a language dies, the chain of inheritance is already broken. Language defines our identity,” giit niya.

Samantala, tinalakay ng abogadong si Jose Dela Rama Jr. ng UST Graduate School of Law ang kahalagahan ng wikang Filipino sa sistemang panghukuman. 

Aniya, ang paggamit ng sariling wika sa paglilitis ay magbibigay ng “mas maliwanag na katarungan” para sa mga mamamayang hindi pamilyar sa komplikadong legal na jargon.

“Ang ating mga batas ay dapat nakasulat sa wikang naiintindihan ng bawat Pilipino,” ani Dela Rama, na dekano rin sa Tarlac State University.

May temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” ang Wikaakuhan 2025, na inorganisa ng Departamento ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon at ng UST Graduate School of Law bilang pakikiisa sa Buwan ng Wikang Pambansa. Jamiebeth P. Ortega

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.