MAIKUKUMPARA ang pagpapakain ng milyon-milyong mga aklat sa artificial intelligence (AI) sa pagbibigay ng aklat sa isang tao upang siya’y matutong magsulat, ayon kay William Alsup, ang hukom na namuno ng makasaysayang Bartz v. Anthropic.
Sa isang copyright class action suit sa United States, inakusahan ng mga manunulat na sina Andrea Bartz, Charles Graeber, at Kirk Johnson ang kumpanyang Anthropic sa ilegal na paggamit ng mga libro–kabilang ang mga akda nina Bartz–upang sanayin ang large language model (LLM) nito na mas kilala bilang Claude.
Bukod sa Claude, ang Anthropic ay nakatuon din sa pananaliksik ng AI at ang kaligtasan sa paggamit nito. Itinatag ng mga dating empleyado ng OpenAI, ang kumpanya sa likod ng ChatGPT, ang Anthropic noong 2021.
Ilegal ang paggamit sa mga libro dahil nakalap ito ng Anthropic mula sa shadow libraries–o ilegal na aklatang online–kung kaya’t walang pahintulot ang kumpanya sa mga may-akda na gamitin ito ayon sa fair use na panuntunan.
Hindi palaisipan ang motibo ng Anthropic sa likod nito dahil higit na mas nakakamura ang pagpipirata ng mga libro kumpara sa mano-manong pagbili ng mga pamagat.
Nagkasundo sa huli ang dalawang kampo na magbabayad ang Anthropic ng halagang $1.5 bilyon, o humigit-kumulang P91.1 bilyon, sa mga nagsampa ng kaso. Subalit hindi kasama sa desisyon ng Korte ang paggamit ng mga libro upang sanayin ang AI dahil saklaw pa rin ito ng fair use.
Tinatayang 500,000 ang mga librong kinakailangang bigyan ng kompensasiyon ng Anthropic. Bawat pamagat ay inaasahang makatatanggap ng $3,000 o humigit-kumulang P183,000 na dalawang taon ring hinintay ng mga manunulat at mga publikasyon.
Kaakibat o higit pa sa mga kompensasyong matatanggap ng mga rights holders ng mga piniratang libro ay ang hindi natugunang suliranin: ang mga pisikal na librong tinanggalan ng gulugod upang mapadali ang proseso ng scanning at maging klaro ang teksto para sa AI.
Anthropic ang isa sa mga kumpanyang nagpasimuno ng kasula-sulasok na pamamaraang ito na itinago nito sa pangalang “Project Panama.” Sa mata ng batas, hindi ito ilegal. Walang pumipigil sa mga kumpanyang ito na sumira ng mga aklat upang sanayin ang kanilang AI.
Kung ang pagtupi ng aklat ay maihahalintulad sa consent, klaro pa sa sikat ng araw na ang pagtanggal sa gulugod nito ay paglabag sa sagradong koneksiyon sa pagitan ng mga pahina at mambabasa.
Ang kalakarang ito ay dystopian, kasuklam-suklam, at isang malaking kawalang-respeto sa mga manunulat. Dumating na tayo sa punto ng ating eksistensiya kung saan gumagamit tayo ng AI — na “natutong” magsulat gamit ang mga librong inilathala ng mga tao — upang magsulat para sa atin.
Ngunit doon na rin nanggagaling ang parikala: dahil hindi kailanman, kahit gaano pa ipilit, magiging tao ang AI kahit ilang milyong libro pa ang sirain upang ipakain dito.
Mayroong mga palatandaan at bakas ang LLM sa mga akdang isinulat nito, tulad ng paggamit ng mga gatlang (–) at mga pariralang “not only, but also.” Subalit, wala pa ring tiyak na pamamaraan sa pagbubuklod ng mga akdang sulat ng LLM at sulat ng tao.
Dahil dito, kailangan na muling suriin ang mga batas hinggil sa karapatang-sipi, lalo na ang Intellectual Property Code o ang Republic Act Blg. 8293 sa Pilipinas upang masaklaw ang mga makabagong teknolohiya tulad ng AI.
Sa kasalukuyan, malinaw na ang tanging kinikilala ng batas na may-akda ay ang “natural person,” kung kaya’t hindi maaaring maging pagmamay-ari ng AI ang kahit anong likha nito.
Gayunpaman, kung ang kaso tulad ng Bartz v. Anthropic ay maihahain sa loob ng bansa, kailangang handa ang legal framework upang masakop ng batas ang fair use hinggil sa AI.
Matagal na ring umiikot ang usap-usapan ng pag-usbong ng mga digital na libro at ang kaakibat na problema nito tulad ng malawakang pamimirata. Dahil dito, iminungkahi ng Intellectual Property Office of the Philippines ang pagharang sa mga website na naglalaman ng mga librong isinulat ng mga Pilipino na walang pahintulot mula sa mga may-akda nito.
Ngunit sino pa ba ang nagbabasa ng mga pisikal na aklat?
Magda-dalawang dekada na ang nakalipas, ang antas ng mambabasang Filipino edad 18 pataas ay nasa 61%. Noong 2012, nasa 54% ito. Batay sa pinakahuling pagsusuri ng National Book Development Board noong 2023, pumapatak na 42% ang nagbabasa ng libro bilang uri ng kanilang libangan.
Dagdag pa rito, ang suporta ng gobyerno sa mga silid-aklatan ay wisik lamang kumpara sa atensiyong binibigay sa impeachment trial, mga kalsadang de-iskedyul ang pagbakbak, at sa mga maanomalyang flood control project.
Hindi maipagkakaila na ang mahinang pagpapatupad ng batas sa karapatang-sipi ay hadlang sa paglago ng panitikan sa loob ng bansa.
Hindi masisisi ang ordinaryong Juan kung bakit hindi na ito ginaganahang magbasa. Sa dami ng problemang hinaharap ng bansa, imbes na buklatin ang aklat, ilalaan niya na lamang ang oras sa kung paano tutugunan ang kanyang kumakalam na sikmura.







