Sa umagang bagong lutong tinapay ang dapat umalingasaw,
Nanuot ang simoy ng hiningang nag-ugat sa palahaw.
Mula sa lalamunang dugo ang pumawi sa uhaw,
At sikmurang binutas sa ilalim ng tirik na araw.
Pandesal ang umagahan ng lansangan,
Ngunit abo mula sa nilapnos na dangal ng katiwalan,
At init ng pugon na laman ang pambabarubal ng pamahaalan,
Ang nagpaalsa sa galit ng taumbayan.
Bawat butil ng harina’y hiniram sa pinigang pawis,
Hinulma ng mga palad na sanay sa pagtitimpi’t pagtitiis,
Pinatingkad ng asin ng luha mula sa bawat hinagpis,
Ibinilad sa oras ng paniningil na nawa’y walang makalilihis.
Sumambulat ang amoy ng pag-aalsa sa hangin ng pamumuksa,
Ngayo’y damhin ang init ng bayang namulat, muling nagkakaisa
Pandesal na nagbigay-lakas sa mga bisig na nasa harap ng barikada,
Habang ang palaman ay walang iba kundi ang humihilab na pakikibaka.







