HINIKAYAT ng isang librarian ang pagsangguni sa silid-aklatan sa halip na umasa lamang sa mga sagot na ibinibigay ng generative artificial intelligence (AI) bilang proseso ng pagbuo sa mga papel pananaliksik. 

Ayon kay Lady Catherine de Leon, head librarian ng seksiyong Filipiniana ng UST Miguel de Benavides Library, mas nagiging mabisa ang pagkatuto at natatandaan ng mga mag-aaral ang impormasyon kapag nagsisikap silang magbasa ng mga libro. 

“Pumunta ka library, maghanap ng resources, damhin kung ano ‘yong mga libro or ‘yong mga impormasyon na makukuha mo do’n,” ani de Leon sa isang panayam ng Varsitarian. “At mas maganda may interaksyon din sa ibang tao kaysa sa kinausap mo lang or kinuha mo lang kay AI.” 

Bumaba ng halos 400,000 ang bilang ng mga bumibisita sa library ng Unibersidad, habang tumaas naman ang naitalang paggamit sa mga digital na sanggunian, batay sa datos na nakalap ng Varsitarian.

Mula sa 1.1 milyon na naitalang pagbisita noong taong akademiko 2018–2019, umunti ito sa 660,558 noong taong akademiko 2025-2026. 

Nagkaroon din ng pagbaba sa bilang ng mga hiniram na libro mula 71,586 hanggang 24,856. 

Dumoble ang naitalang bilang ng mga naghahanap ng e-books at e-journals sa nakalipas na pitong taon, mula sa 10.6 milyon tungo sa 22.1 milyon.

Bagaman nagkaroon ng pag-usbong sa paggamit ng mga generative pre-trained transformer o GPT na nakatutulong sa pag-enhance ng mga manuscript sa pananaliksik, mayroon din itong kaakibat na mga panganib. Isa na rito ang mga fabricated o non-existent na sanggunian. 

Sa pag-aaral na “Fabricated citations in the age of AI: A wake-up call for editors, reviewers, and authors,” na inilathala ng National Library of Medicine, lumabas na 51 porsyento ng 732 citations ang gawa-gawa lamang ng AI.

Binigyang-diin din ni de Leon ang hamon sa pangangalaga ng mga aklat sa Filipiniana collection dahil sa limitadong bilang ng mga kopya at kakulangan sa muling paglalathala ng mga lokal na akda.

BASAHIN: Kakulangan sa pondo at interes, patuloy na hamon sa Filipiniana collections

Inihayag ni de Leon na nakasalalay sa kalidad ng mga koleksiyon at sa maayos na pangangalaga at pagdigitize ng mga ito ang pagpapalakas ng kakayahan ng AI na umunawa at gumamit ng wikang Filipino.

Ipinaliwanag niya na nagsisimula ang hamon sa AI sa kalidad ng mga sangguniang pinagbabatayan nito. 

“Kailangan, nakapag-preserba tayo, nakapag-digitize tayo, pero kailangan maayos natin itong nacu-curate, nade-describe, at nai-uugnay para mas discoverable ito sa digital environment,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, sinabi ni de Leon na maaaring gamitin ang AI sa pananaliksik sa ilalim ng konsepto ng informed trust o ang mapanuring pagtitiwala sa teknolohiya. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.