NAGBABALA ang isang propesor mula sa University of Hawaii na anumang anyo ng censorship, lalo na sa sariling wika, ay banta sa malayang pamamahayag.
Iginiit ni Aurelio Agcaoili, tagapangulo ng Department of Indo-Pacific Languages and Literatures sa University of Hawaii, hindi matatawag na tunay na malaya ang pamamahayag kung ang mismong wika ng mamamayan ay pinatatahimik.
“Kapag pinipipi, halimbawa, ang gustong magpahayag — ‘yong institusyon, ‘yong ahensya, ‘yong produksyon at ‘yong tinatawag nating pagpahayag mismo ay hindi malaya, nasaan ‘yong tinatawag nating malayang pamamahayag?” wika ni Agcaoili sa isang webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Inihalintulad niya ang ganitong uri ng censorship sa panahon ng diktadura, kung saan kinontrol ang publiko sa pamamagitan ng pagbabawal ng ilang salita.
“Mayroong pagkiling sa pagpulis ng mga salita, mga termino na p’wedeng gamitin, at ‘yong pagbabawal ng mga salitang hindi p’wedeng gamitin sapagkat nasasaktan ‘yong mga nasa puder,” ani Agcaoili.
Nilinaw ni Agcaoili na ang malayang pamamahayag ay hindi simpleng “lisensya” para magsalita nang walang pananagutan, kundi may kaakibat na obligasyong etikal at moral.
Tinukoy din niya ang epekto ng makabagong teknolohiya at artipisyal na intelihensiya sa pamamahayag, na nagdudulot ng instant na impormasyon ngunit kulang sa kritikal na pagninilay at pag-unawa.
Bagama’t mabilis na nakukuha ang datos, nawawala umano ang kritikal na pagninilay at proseso ng pag-unawa.
“Kailangang tanungin kung tunay pa bang malaya ang talakayan kung ang ipinapahayag na impormasyon ay hindi na pinaghirapan o sinuri nang kritikal,” aniya.
Ibinahagi rin ng propesor ang konsepto ng simetriya mula sa kritikal na hermeneutika, na nangangahulugang pantay na posisyon ng lahat ng kalahok sa talakayan.
Aniya, kapag may nangingibabaw na kapangyarihan na pumipigil sa tinig ng iba, nawawala ang balanse at nasasapawan ang boses ng mga nasa laylayan.
Binigyang-diin pa niya ang pangangailangan ng interlingguwal na komunikasyon at ang patuloy na pagtuturo ng mga wikang katutubo sa kani-kanilang komunidad upang matiyak ang kanilang presensya sa diskursong pampubliko.
“Ang malayang pagpapahayag ay hindi magiging ganap kung walang pantay na pagkakataon ang lahat na magsalita gamit ang sariling wika,” wika ni Agcaoili.






