INALMAHAN ng mga organisasyong pangwika, guro at manunulat ang pagtatalaga sa abogadong si Marites Barrios-Taran bilang bagong tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Sa anunsyo ng KWF nitong ika-6 ng Agosto, opisyal na kinilala si Taran bilang kinatawan ng Wikang Tagalog at full-time komisyoner, kasabay ng kanyang pagtatalaga bilang tagapangulo ng ahensiya sa takda ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Agarang umani ng batikos ang anunsyong ito mula sa mga organisasyong pangwika gaya ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF), Sangguniang Filipino (SANGFIL), Kagawaran ng Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila, at Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).
“Ang Filipino ay disiplina, hindi dekorasyon sa resume,” saad ng opisyal na pahayag ng Kagawaran ng Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila. “Sa panahong pinapalitan, binabawasan, at binabalewala ang mga espasyo para sa Filipino, ang pagtatalaga ng isang hindi dalubhasa ay hindi lamang kapabayaan kundi pagkakanulo.”
Binigyang-diin ng UMPIL na “ang pagkakaroon ng di-kalipikadong komisyoner ay isang pagpapanggap at malaking insulto sa mismong wika at etnolingguwistikong pangkat na kinakatawan.”
Sa ilalim ng Republic Act 7104, ang bawat komisyoner ay dapat hinirang mula sa mga nominasyon ng mga kinikilalang organisasyon o institusyong pangwika.
“Hindi ito ang unang beses na kung sino-sino lang ang itinalaga ng Palasyo sa isang napakahalagang ahensya,” saad sa opisyal na pahayag ng PSLLF. “May panahon pa para baguhin na ang nakasanayang bara-barang pagtatalaga ng mga komisyoner sa KWF at iba pang ahensyang pangkultura at pangkalinangan.”
Tinuligsa rin ng SANGFIL ang desisyon at binigyang-diin na si Taran ay walang pormal na edukasyon, pananaliksik, o adbokasiya para sa Filipino at mga katutubong wika.
Ayon sa kanilang pahayag sa Facebook, hindi tugma ang propesyonal na kasaysayan ni Taran sa mga pamantayang itinakda ng batas, lalo na sa disiplina ng lingguwistika, panitikan, at kultura.
Naglabas din ng pahayag ang Professional Association of Translators and Advocates of the Language, Inc. (PATAL), na nanawagang sundin ang batas at igalang ang Buwan ng Wika.
Kinuwestiyon din ng manunulat at S.E.A Write Awardee na si Jerry Gracio ang pagkakatalagang ito kay Taran.
Ayon sa kanya, si Taran ay kaalyado umano ng mga komisyoner na sangkot sa red-tagging noong 2023, partikular sa pagpapapull-out ng mga aklat ng KWF na tinaguriang “subersibo.”
“Nakikiusap din ako sa mga guro, iskolar, at sa mga nagmamahal sa wika na ipaabot ang kanilang pagtutol sa mga nagaganap sa Komisyon, ngayon pa namang ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika,” ani Gracio sa kaniyang Facebook post.
Iginiit naman ng manunulat at propesor na si Edgar Samar na ang pagtanggap sa puwesto nang walang sapat na kadalubhasaan ay paglabag sa batas at prinsipyong moral. Hinihimok ng mga grupo ang pamahalaan na magsagawa ng bukas, konsultatibo, at merit-based na proseso sa pagpili ng mga pinuno ng KWF.







