IMINUNGKAHI ng isang manunulat at propesor na pangunahing layon ng panitikan at sining ang pagpapahalaga.
Para kay Mesandel Arguelles, awtor ng mahigit 20 aklat ng mga tula at prosa, maituturing na “art of attention” ang sining kung saan kinakailangan ng isang tao na huminto upang bigyang-halaga ang mga bagay sa kaniyang paligid.
“Kailangan mong huminto para magbasa, kailangan mong huminto para tumingin sa isang painting, manood ng sine, o makinig ng music,” ani Arguelles sa “Patubàs: Mga Bagong Obrang Lasalyano” sa Henry Sy Sr. Hall ng De La Salle University (DLSU) nitong ika-30 ng Hulyo.
Inilunsad sa Patubàs ang mga bagong akdang pampanitikan ng mga alumnus at propesor mula sa DLSU Department of Literature and Creative Writing, kung saan kawaksing dalubguro si Arguelles.
Tampok sa book launch na ito ang mga libro ni Arguelles, kagaya ng “Sa Ibang Kariktan,” na naglalaman ng mga sanaysay tungkol sa karanasan sa pagbasa, pagtanaw, at pakikinig sa mga akdang nakaimpluwensya sa kaniya.
Kabilang din dito ang “Anyo ng Kalatagan,” “Sa Halip na Mga Bulaklak,” at “Tatlong Libong Araw” na bahagi ng kaniyang “Sonetoismo Series” na lumabas sa DLSU Publishing House.
Hinimok ni Arguelles na mahalagang magkaroon ng critical faculty o mapanuring pag-iisip ang mga Filipino sa pagharap ng mga isyung may kinalaman sa pulitika.
Nailathala ang tulang “Ilang Nalalabing Taludtod” ni Arguelles noong 2006 sa Vol. 10 ng Montage, ang literary magazine ng Varsitarian na tumanggap ng lahok mula sa iba’t ibang unibersidad. Gleanna Crizzen Abello







