(Dibuho ni Aisha Sofia M. Fortes/ The Varsitarian)

NANAWAGAN ang mga eksperto sa larangan ng arkibo at impormasyon ng mas mahigpit na proteksyon para sa dokumentaryong pamana, dahil sa mahalagang papel nito sa pambansang identidad.

Ayon kay Kathreen Jane Nagpala, kawani ng Unesco National Commission of the Philippines (Unacom), nasa sentro ng adbokasiyang ito ang programang “Memory of the World” (MOW) ng Unesco, o ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization. 

Ito ay isang pandaigdigang inisyatiba na naglalayong kilalanin at pangalagaan ang mga dokumentong may pambansa at pandaigdigang kahalagahan.

“This [heritage program] naman is about safeguarding the documentary heritage, the value of these documents, whether nationally, regionally, and internationally,” ani Nagpala sa panayam ng Varsitarian. 

Sa kasalukuyan, may siyam na Philippine inscriptions sa Memory of the World Register, kabilang ang Philippine Palaeographs, Doctrina Christiana, at Hinilawod Epic Chant Recordings.

Tinukoy ni Nagpala ang climate change bilang pangunahing banta sa lokal na documentary heritage dahil sa pinsalang dulot ng biglaang sakuna.

“For example, ‘yung flooding in Quezon City affected yung mga libraries and archives sa UP Diliman,” aniya. Kailangan natin ng technical capacities to safeguard these documents, whether or not prepared tayo for those disasters.”

Kasama rin sa mga banta ang paglaganap ng misinformation at historical revisionism, kaya’t mahalaga ang digitization initiatives.

Ani Nagpala, kapaki-pakinabang sa bansa ang pakikipag-ugnayan sa Unesco dahil nagbubukas ito ng oportunidad para sa funding, capacity building, at technical assistance mula sa global community.

Preserbasyon, kailangan palakasin

Tinalakay naman ni Elvira Lapuz ng University of the Philippines Diliman at Asia-Oceania Division Committee ng International Federation of Library Associations and Institutions (IFLA) ang pagpapalakas ng preservation and conservation sa rehiyon.

Matatagpuan ang Preservation and Conservation (PAC) Centers ng IFLA sa iba’t ibang bansa tulad ng China, South Korea, Sri Lanka, Canada, Brazil, at Poland. 

Bagaman wala pang PAC center sa Pilipinas, may suporta mula sa mga lokal na institusyon gaya ng National Commission for Culture and the Arts, National Library of the Philippines, National Archives, at mga unibersidad.

Sa kanyang obserbasyon, capacity building ang pangunahing pangangailangan sa Asia-Oceania dahil nahuhuli ito sa pag-unlad ng preservation infrastructure.

Sa kabila ng mga hamon, kinilala ni Lapuz ang pagtutulungan ng mga unibersidad upang palawakin ang preservation initiatives sa Pilipinas.

“You have all these resources here in the UST, the library and the archives. That’s very rich. That’s a treasure trove of heritage to have here. Maybe you can develop it further, safeguard it further,” wika ni Lapuz sa Varsitarian. 

Aklatan bilang tagapangalaga ng pambansang alaala

Ibinahagi naman ni Symon Lagao, department coordinator ng Bachelor of Library and Information Science, na lumalawak ang papel ng aklatan sa lipunan.

Ipinaliwanag niyang si Candida Agcaoili, unang babaeng chief librarian ng UST noong 1950, ay ginugunita sa taunang lecture na nagsimula noong 2018 at muling ipinagpatuloy matapos ang pandemya.

Ayon kay Lagao, mahalagang maunawaan ng mga estudyante na lumawak na ang tungkulin ng mga aklatan at librarian sa kasalukuyan.

“Librarians now, or libraries now even, are no longer just repositories. So, we are trying to push that librarians are also protectors or keepers of cultural heritage, especially memory, cultural memory,” ani Lagao sa panayam ng Varsitarian

Idinaos ang forum noong Nob. 21 na may temang, “Libraries Advancing the Global Agenda for Safeguarding Documentary Heritage” bilang tugon sa mga inisyatiba ng Unesco at IFLA kaugnay ng sustainable development goals na nakatuon sa documentary heritage.

Naging bahagi ito ng ikalimang Candida Agcaoili Honorary Lecture ng UST Department of Library and Information Science ng Kolehiyo ng Edukasyon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.