(Dibuho ni Allana Elaine J. Libunao/ The Varsitarian)

BINUHAY ni visual artist Alfredo “Al” Perez ang mga lumang simbahan sa iba’t ibang lalawigan sa pamamagitan ng mga obrang nagdodokumento sa kanilang pisikal na anyo, istruktura at kasaysayan.

Makikita sa kaniyang mga pinta ang impluwensiya ng akademiya sa realismo at watercolor technique na naging batayan ng kaniyang reputasyon bilang pintor sa mga paksang pang-heritage.

Dalawang beses naatasan si Perez na gumawa ng mga obrang pang-regalo para sa mga Santo Papa.

Una ay noong 1981 nang ipinta niya ang Simbahan ng Agoo sa La Union para sa pagbisita ng Santo Papa Juan Pablo II. Sinundan ito noong 2015 nang gumawa siya ng portrait ni Papa Francisco.

Ayon kay art critic Cid Reyes sa aklat na “Al Perez: Sacred and Profane,” sumasalamin sa mga larawang ipininta ni Perez ang bigat ng mga siglo, ang lalim ng paglipas ng panahon, at ang kolonyal na nakaraan ng bansa.

Bukod sa mga simbahan, ilan sa kaniyang mga naging proyekto ang pagpinta ng rural landscapes, still life, nudes, ancestral houses, at iba pang tanawin na sumasalamin sa kulturang Pilipino.

Madalas din siyang pinagkakatiwalaan ng mga parokya para linisin at magsagawa ng touch-up sa mga nagbabakbak na pintura ng mga imahe sa simbahan.

Kinilala si Perez bilang “Aquarelle Master of Philippine Churches,” titulong madalas kaakibat ng kaniyang pangalan sa mga artikulo at panayam.

Bagaman nakikilahok siya sa ganitong gawain, mas kinikilala si Perez sa larangan ng visual arts bilang pintor ng mga heritage church kaysa bilang lisensiyadong art conservator o restorer.

Pinatutunayan ni Perez na maaaring maging paraan ang sining sa pagpreserba ng kaluluwa ng isang bansa.

Nagtapos siya ng kursong Fine Arts sa Unibersidad noong 1968 at nag-aral sa ilalim ni Professor Emeritus Cenon Rivera.

Noong 1984, nag-aral siya sa Art Students League sa New York. Noong 1996 naman, ipinagpatuloy niya ang paglinang sa sining sa School of Visual Arts sa parehong siyudad sa Amerika. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.