INILUNSAD ng Teacher Education Council (TEC) ang Teacher Education Roadmap 2035, isang komprehensibong plano para itaas ang kalidad ng teacher education sa bansa.
Ayon kay Jennie Jocson, executive director ng TEC, binibigyang-pansin ng roadmap ang pangangailangan ng mga guro sa sapat na kasanayan sa pagtuturo ng mga batang nasa maagang yugto ng pagkatuto.
“Pagtuunan muna ng pansin ‘yong basic na pangangailangan. Our students, even the school-age students — they are not ready, they are not fluent, they are not literate, they are not numerate,” wika ni Jocson sa Varsitarian.
Dagdag pa niya, layon ng roadmap na makapaglaan ng mas maraming guro sa values education at special needs education, kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na kabilang sa autism spectrum at nangangailangan ng espesyal na suporta.
“Walang guro na highly specialized to treat them, to support them across the Philippines,” ani Jocson.
Kabilang din sa mga pangunahing layunin ng roadmap ang pagtatatag ng alternative pathways para bigyan ng pagkakataon ang community development workers at mga nagtapos ng two-year degree programs na nais maging lisensyadong guro.
Ipinaliwanag ni Jocson na hindi lamang nagtatakda ng direksyon ang roadmap, kundi naglalatag din ito ng sistema ng pananagutan sa mga ahensya na responsable sa pagpapatupad ng mga reporma sa teacher education.
Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan ang TEC sa Commission on Higher Education (CHEd) upang makumpleto ang supply-and-demand data ng mga Teacher Education Institutions (TEIs) sa bansa.
Layunin na makamit ang 100% data mapping pagsapit ng ikalawang quarter ng 2026.
Nakikipag-ugnayan din ang TEC sa Professional Regulation Commission (PRC) para amyendahan ang Licensure Examination for Teachers (LET) at maiayon ito sa kasalukuyang kalagayan ng pagtuturo.
“Kasi nagbago ang pagtuturo, nagbago ang mga estudyante. Therefore, dapat, mabago ang paraan ng pagtuturo, mabago ang institusyon ng ating mga guro. So ‘yong licensure exam, dapat ay sumunod doon sa pangangailangan ng guro,” ani Jocson.
Kasabay ng paglulunsad ng roadmap, ipinakilala rin ng TEC ang Research Initiatives in Teacher Education (RITE) 2, isang programang pamumunuan ng UST.
Ayon kay Wennielyn Fajilan, project team chair ng RITE 2 at tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, layon ng programa na makalikha ng mga pananaliksik na magiging batayan ng mga polisiya sa larangan ng teacher education.
Aniya, ang UST ang magsisilbing project management team na mamamahala sa pondong higit P80 milyon para sa mga proyektong pananaliksik na ilulunsad ng TEC.
Dagdag ni Fajilan, 47 ang aplikante sa TEC fellows program mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, at 11 sa kanila ang napiling shortlisted fellows na iaanunsyo ng TEC ngayong taon.
Para kay Louie Dasas, katulong na dekano ng UST Kolehiyo ng Edukasyon, sumasalamin ang proyekto sa adbokasiya ng Unibersidad na palakasin ang edukasyon at makibahagi sa pambansang pag-unlad.
“In celebration of our centennial, this is a very fitting reminder and also a challenge for the college moving forward in the next 100 years to take part not just in research initiatives in teacher education, but also policy, national policy, and nation building,” wika niya sa panayam sa Varsitarian.
Ayon naman kay Pilar Romero, dekano ng Kolehiyo ng Edukasyon, ang pagsasakatuparan ng mga programang ito ay tugma sa misyon ng Unibersidad bilang isang Katolikong institusyong nakaugat sa edukasyon.
“We hope that after this program, we shall be able to engender really the love for teaching and the passion for teaching,” aniya.
Pormal na inilunsad ng TEC ang Teacher Education Roadmap 2035, TEC Teachers Award and Fellows Program, at RITE 2 noong Okt. 16 sa George S.K. Ty Function Hall ng Gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P. sa UST.May ulat nina Frenchshield Shayne G. Delovieres, Jamiebeth P. Ortega, Billy Andrei P. Ramos, Justin Jacob S. Urag at Louisse Raye Shara C. Santos







